Metro Manila lulubog dahil sa reclamation ng Manila Bay — Sen. Villar

Senador Cynthia Villar

Ni NOEL ABUEL

Nagbabala si Senador Cynthia Villar na hindi malayong tuluyang lumubog ang buong Metro Manila kung hindi matitigil ang reclamation sa Manila Bay sa kabila ng iniutos na ng pamahalaan na suspendehin ang lahat ng reclamation projects sa bansa.

Sa pagdinig ng Senate Committees on Environment, Natural Resources and Climate Change at Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement, sinabi ni Villar na maihahalintulad ang Pilipinas sa nangyari sa Indonesia kung saan unti-unting lumulubog ang Jakarta.

“Hindi malayong lumubog ang Metro Manila kapag hindi tumigil ang reclamation projects diyan sa Manila Bay,” sabi ni Villar.

Inihalimbawa pa ni Villar ang Las Piñas-Parañaque Wetland Park na sa kabila ng may Presidential Proclamation ay naglabas ang Environmental Management Bureau (EMB) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Philippine Reclamation Authority (PRA) noong 2011 ay naglabas pa rin ito ng Environmental Compliance Certificate (ECC).

Ito ang nagtulak kay Villar para maghain ng panukala at maging Legislative Protective Area ang Las Piñas-Parañaque Wetland Park subalit patuloy pa rin itong binabalewala ang DENR at PRA.

“Parang pag gusto ng isang director na magbigay ng permit, wala na siyang tinatanong, automatic, tulad nito expired ang ECC namin pero nabigyan agad ng ECC,” ayon pa kay Villar.

Binatikos din ni Villar si dating EMB director Engr. William Cunado sa mga ipinalabas nitong ECC sa Pasay City at Parañaque.

Pinagpapaliwanag ng senador si Cunado kung ano ang dahilan nito kung bakit naglabas ng ECC sa Las Piñas-Parañaque Wetland Park na kung matutuloy ay reclamation ay maaapektuhan ang Las Piñas River, Parañaque River, Zapote River, at Molino River sa Bacoor, Cavite ng mga pagbaha na aabot sa anim hanggang walong metro.

“Do you know that the Las Piñas-Parañaque Wetland Park is the biggest spawning ground for fishes in Manila Bay? If you reclaim the park, the mangroves will be killed off. We planted the mangrove in the 1990s so it can protect Las Piñas-Parañaque from typhoon surges,” sabi pa ni Villar.

Kinastigo rin ng senador ang PRA dahil sa hindi nito binibigyan ng bigat ang idudulot na perhuwisyo sa mga residente ng lungsod at maging ng libu-libong mangingisda kung papayagan ang mga reclamation projects sa Las Piñas at Parañaque.

Aniya, nasa 3,000 mangingisda ang mawawalan ng pagkakakitaan kung igigiit ang reclamation projects ng mga pribadong kumpanya.

Samantala, maging si dating Senador Joey Lina Jr., at ngayo’y president at director ng Manila Hotel ay nagsabing mariing tinututulan ang reclamation projects sa Manila Bay dahil sa magiging epekto nito sa operasyon ng nasabing hotel.

Sinabi pa nito na nalalagay rin sa alanganin ang Quirino Grandstand at ang sikat na Manila Bay sunset at sunrise ay hindi na masisilayan pa ng publiko dahil sa reclamation.

Leave a comment