FDA at BAI kinastigo ni Senador Cynthia Villar

Ni NOEL ABUEL

Binatikos ni Senador Cynthia Villar ang Bureau of Animal Industry (BAI) at Food and Drug Administration (FDA) sa pagtuturuan kung sino ang dapat na managot sa pagsasagawa ng clinical trial ng African Swine Fever vaccines.

Sa pagdinig ng Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, na pinamunuan ni Villar, kinuwestiyon nito ang BAI kung bakit pinayagan nito ang isang supplier na magsagawa ng clinical trials ng African Swine Fever vaccines na dapat ay gobyerno ang gumagawa nito.

Inusisa ni Villar ang tanong matapos sabihin sa mga ulat na mayroong paglaganap ng hindi awtorisadong pagbebenta ng ASF vaccine sa “black market” habang ito ay sumasailalim pa sa clinical trial.

“The use of noncompliant and poor quality vaccine will not confer any protection against ASF and may add to the risk of spreading other acute or chronic disease,” aniya.

Sinabi ni Villar na nakatanggap ito ng impormasyon na inendorso ng BAI sa FDA ang awtorisasyon para sa pag-import ng emergency use ng ASF vaccine mula sa AVAC Vietnam Joint Stock Company sa pamamagitan ng KPP Powers Commodities Inc.

Sinabi nito na ang KPP Commodities Inc. ang nagsagawa ng “clinical trials” sa ASF vaccine.

“Dapat hindi supplier ang nagki-clinical trial kundi ang BAI, kasi bias na ‘yan. Gusto mo makabenta, eh di syempre aayusin mo ‘yan. Ang sinisisi ko ay BAI kung bakit sila pumapayag na ang clinical trial ay gawin ng supplier. Mali ‘yun. Dapat government ang gagawa niyan para independent,” paliwanag ni Villar.

Inamin ni Reynaldo Robles, legal counsel at spokesman ng KPP Commodities Inc. na mag-supply ito ng 300,000 doses ng bakuha sa iba’t ibang farms sa bansa.

“Nag-supply lang kami ng vaccines para sa clinical trial. Around 300,000 doses,” aniya.

Iginiit ni Villar na labag sa batas ang ginawa ng KPP Commodities Inc. dahil hindi ito awtorisadong magsagawa ng clinical trial.

“You are not allowed to do that. You cannot go directly to the farms and conduct clinical trials,” pahayag pa ng senador.

Sinabi naman ni AGAP party list Rep. Nicanor Briones na ang mga bakuna ay hindi pa “aprubado” ng gobyerno at ang KPP Commodities Inc. ay nagsagawa ng clinical trial.

Ayon pa kay Briones, ang clinical trial ay dapat isagawa sa isang maliit na sample upang kapag nangyari ang mga side effect, ang buong industriya ng baboy ay hindi maapektuhan.

Ayon naman kay Senador Francis Tolentino, maaaring managot ang FDA dahil sa kapabayaan nang payagang makapasok ang bakuna sa bansa.

Sinabi pa ni Villar na ang AVAC Vietnam-JSF, developer ng ASF vaccine, ay nakapagpadala. na ng 300,000 doses sa bansa matapos aprubahan ito noong Hunyo 2, 2023 para magamit sa clinical/field trails.

“Kaya lang in June 2, 2023, BAI assistant director Arlyn Vytiaco said they have recommended the AVAC doses which have been proven effective following the completion of the safety and efficacy trials in at least six areas in Luzon,” sabi ni Villar.

“This is June 2, 2023 eh in-approve lang ng Vietnam July 2023. Bakit nauna ka pa sa Vietnam?” pag-uusisa pa ni Villar.

Sinabi naman ni Vytiaco na naglabas ang FDA ng special import permit para sa ASF vaccines.

“The FDA granted the approval for the importation, granted the approval for the importation on June 23 only for clinical trial,” ni Vytiaco.

Pinagpaliwanag ni Villar si Vutiaco kung bakit natapos ang field trial noong Hunyo 2 samantalang ang special import permit ay inisyu lamang ng FDA noong Hunyo 23 ng taong kasalukuyan.

Leave a comment