
Ni NERIO AGUAS
Inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang South Korean national na pinaghahanap ng mga awtoridad sa kanyang bansa dahil sa pagiging miyembro ng big-time drug syndicate na nagpupuslit ng ilegal na droga sa Korea mula sa Pilipinas.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nasabing dayuhan na si Choi Sun Hyeok 56-anyos, na inaresto sa kanyang pinagtataguan sa Bgy. Lahug, Cebu City.
Nabatid na ang pag-aresto ay isinagawa ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) ng BI sa bisa ng warrant of deportation order na inilabas ng BI board of commissioners noong 2017.
“He will thus be immediately deported to Seoul after we have secured the necessary clearances for his departure,” sabi ng BI chief.
Inilarawan ni Tansingco si Choi bilang isang high profile fugitive dahil ito ay pinaniniwalaang miyembro ng tinatawag na MS Alliance syndicate na nagpapakalat ng ipinagbabawal na gamot sa Korea.
Maliban dito, naglabas din ng red notice ang Interpol para sa ikadarakip nito matapos makumpirmang magtatago ito sa bansa.
Ayon sa Interpol’s national central bureau (NCB) sa Manila, si Choi ay subject ng arrest warrant na inilabas ng Changwon district court sa Korea kung saan sinampahan ito ng kasong paglabag sa narcotics control act.
Napag-alaman ng mga imbestigador na sa taong ito lamang, ang mga kasabwat ni Choi sa sindikato ay nakapagpuslit sa Korea ng higit sa 265 gramo ng methamphetamine sa pamamagitan ng pagtatago ng droga sa kanilang damit na panloob.
Si Choi ay inilagay sa BI detention facility sa Taguig City at ang pasaporte nito ay binawi na ng gobyerno ng Korea kung kaya’t kaya naging undocumented alien.
Inilagay na ng BI ang pangalan ni Choi sa BI blacklist upang hindi na ito makabalik sa bansa.
