BI sa publiko: Mag-ingat sa pekeng websites

Ni NERIO AGUAS

Naglabas ng abiso at babala ang Bureau of Immigration (BI) sa publiko na mag-ingat sa mga mapanlinlang na website na nagsasabing sila ang eTravel site ng ahensya.

Binigyan-diin ni BI Commissioner Norman Tansingco ang kahalagahan ng public vigilance at agarang pag-uulat sa mga ganitong kaso.

“We urge the public to be vigilant and exercise caution online. There are numerous scams on the internet, and the false use of e-travel credentials to steal data and trick people into sending payment pops up every now and then,” sabi nito.

Dagdag pa nito, nag-aalala ang ahensya na mas maraming scam websites ang maaaring lumabas sa darating na long weekend at holiday seasons.

Nabatid na nakatanggap ang BI ng mga ulat ng mga taong nabiktima ng mga scam sites, na labag sa batas na humihiling ng bayad para sa paggamit ng e-travel.

Sinabi pa ni Tansingco na ang paggamit ng e-travel website ay libre.

Hinihikayat ng BI ang lahat ng mga manlalakbay na gamitin ang lehitimong eTravel website para sa maayos na pagproseso ng kanilang mga kinakailangan sa BI.

Maaaring ma-access ang platform sa pamamagitan ng website na etravel.gov.ph, at pinapaalalahanan ang mga pasahero na kumpletuhin ang online form nang hindi bababa sa 72 oras bago ang kanilang nakatakdang pagdating o pag-alis.

Ang eTravel ay inilunsad noong unang bahagi ng taong ito, at nagsisilbing single data collection platform para sa mga darating at papaalis na pasahero.

Nagtatag ito ng integrated border control, health surveillance, at economic data analysis.

Ang e-travel joint project ay inilunsad ng Department of Tourism (DOT), Department of Information and Communications Technology (DICT), ng Bureau of Quarantine (BOQ), ng Bureau of Customs (BOC), ng Department of Health (DOH), ng Department of Transportation (DOTr), ng Department of Justice (DOJ) at ng National Privacy Commission (NPC).

Inalis ng proyekto ang paper-based arrival at departure card, pati na rin ang quarantine form. Ito ay pinuri para sa pagbabawas ng mga kinakailangan na nakabatay sa papel para sa mga manlalakbay, gamit ang isang sistemang katulad ng ginagamit ng ibang mga advanced na bansa.

Hinimok ng BI ang publiko na iulat ang anumang kahina-hinala o mapanlinlang na website sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).

Leave a comment