DOLE, CHR lumagda ng kasunduan para protektahan karapatan ng mga manggagawa

Ni NERIO AGUAS

Upang higit na isulong at protektahan ang mga karapatang-pantao ng mga manggagawa, ang Department of Labor and Employment (DOLE) at ang Commission on Human Rights (CHR) ay lumagda ng kasunduan para sa mas mabilis na pagsasagawa ng imbestigasyon sa mga paglabag sa kalayaan ng mga manggagawa na bumuo at sumali sa organisasyon.

Sa ilalim ng Memorandum of Agreement (MOA), inaatasan ang DOLE at CHR na magtulungan sa mga isinangguning kaso, imbestigasyon, monitoring, witness protection at psychosocial support, edukasyon sa paggawa at pagtataguyod ng karapatang-pantao at pagbuo ng mga polisiya.

Nilagdaan nina DOLE Secretary Bienvenido E. Laguesma at CHR Chairperson Richard P. Palpal-Latoc ang MOA sa CHR Central Office sa Diliman, Quezon City noong ika-20 ng Oktubre.

Sinabi ni Laguesma na mahalaga ang pakikipagtulungan ng DOLE-CHR sa pagtugon sa mga usapin sa paggawa na inihain sa pagbisita ng International Labor Organization (ILO) High-Level Tripartite Mission (HLTM) noong Enero 2023.

Binibigyan-diin ng kasunduang ito ang pangangailangan para sa patuloy na pakikipagtulungan, na tinitiyak na ang mga prinsipyo sa paggawa at karapatang pantao ay patuloy na itinataguyod sa bawat inisyatibo at patakarang ating ipinatutupad.

“Kailangan natin ang suporta ng mga grupo ng manggagawa at ng sektor ng employer gayundin ng ILO para ang ating iisang layunin na tiyakin na ang mga Convention, lalo na ang Convention 87 at 98, ay iginagalang,” pahayag ng kalihim.

Kasunod ng paglagda sa MOA, isang mekanismo ng case referral ang agad na ipatutupad, kung saan ang DOLE-Bureau of Labor Relations (BLR) at CHR Protection Cluster bilang mga responsableng ahensya para sa mga liham at mga referral.

Maaaring abisuhan ng CHR ang DOLE kapag nakatanggap ito ng mga ulat o reklamo sa mga sinasabing paglabag sa mga karapatan sa paggawa.

Maaaring beripikahin ng DOLE ang mga ulat o reklamo para sa pagbuo ng kaso at pangangalap ng ebidensya.

Magtatatag ang DOLE at CHR ng magkasanib na mekanismo sa pagmo-monitor upang matiyak ang regular na pagbabahagi ng impormasyon at pagsubaybay sa mga kaso ng karapatang pantao.

Sa mga tuntunin sa pagbubuo ng polisiya, sinusuportahan ng MOA ang pakikibahagi ng mga manggagawa at mga grupo ng manggagawa o mga unyon ng manggagawa sa pagbuo ng mga desisyon at ang kanilang karapatan sa impormasyon.

Maaari ring magpatawag ang CHR ng pagpupulong sa pagitan o sa mga nauugnay na stakeholders, mga manggagawa, grupo ng manggagawa o unyon ng manggagawa, employer, at DOLE, kapag hiniling ng alinmang partido, na ilabas ang mga isyu na pumapalibot sa mga karapatan ng mga manggagawa at magbigay ng plataporma para sa talakayan upang malutas at matugunan ang mga alalahaning ito.

Leave a comment