
Ni NERIO AGUAS
Nagbabala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga biyahero na huwag mabiktima ng mga recruiter na nagbibigay ng mga pekeng dokumento.
Inilabas ng BI ang pahayag matapos malaman ang kaso ng isang babaeng pasahero na pinigilan na umalis sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Oktubre 19 matapos malaman ng mga opisyal ng BI na nauna nang ipinagpaliban ang kanyang pag-alis matapos itong mahuli na gumagamit ng pekeng travel documents.
Ang naturang pasahero, na itinago ang pagkakakilanlan, ay patungo sana sa Oman sa pamamagitan ng Qatar airways flight QR 935, ay nagsabing bibisitahin nito ang kanyang asawa ngunit ang sertipiko ng kasal na kanyang ipinakita ay natuklasang peke.
Sa huli ay inamin nito na ang lahat ng mga dokumentong ipinakita, kabilang ang sinasabing affidavit of support ng kanyang kasintahan at PSA marriage certificate, ay pawang peke.
Sa pagsusuri sa kanyang rekord sa paglalakbay, natuklasan na noong Setyembre, sinubukan din ng pasahero na umalis patungong Malaysia ngunit pinigilan ng BI personnel dahil sa pagkakaroon ng hindi wastong mga dokumento.
Iniulat ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) na nagpakita pa ang biktima ng wedding picture na edited sa pagtatangkang linlangin ang mga awtoridad.
Inamin ng biktima na nagbayad ito ng mahigit sa P30,000 para sa mga pekeng dokumento, na pinaniniwalaan ng mga awtoridad na ginamit upang iligal na makapagtrabaho sa ibang bansa.
Ang kaso ng biktima ay dinala sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang paghahain ng kaso laban sa kanyang recruiter na nakilala lang nito sa Facebook.
