
Ni NERIO AGUAS
Nakabalik na ng bansa ang tatlong Filipino na pinakahuling biktima ng human trafficking at nagtrabaho sa bansang Myanmar.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco ang tatlong kalalakihan ay dumating sa bansa noong nakalipas na Biyernes sakay ng Philippine Airlines flight mula sa Bangkok.
Ang mga biktima na pawang nasa 20-anyoa hanggang 30-anyos ay na-recruit sa pamamagitan ng Facebook para magtrabaho bilang call center agents sa bansang Thailand.
Gayunpaman, tulad ng kaso ng mga naunang biktima, ang tatlong biktima ay kinuha ng isang van at dinala sa Mae Sot, Thailand upang tumawid sa hangganan patungong Myanmar sa pamamagitan ng bangka.
Pagdating sa Myanmar, sinabihan ang mga ito na magtatrabaho sila bilang mga love scammer, na nambibiktima ng mga Amerikano at Europeo na mamuhunan sa mga pseudo cryptocurrency account.
Inobliga ang mga ito na maabot ang lingguhang quota at kung hindi, sila ay sasailalim sa mga pisikal na parusa tulad ng push ups at jump squats.
Ang mga biktima ay nagtatrabaho rin ng 16-18 oras sa isang araw, na walang pahinga at pinahintulutan lang gumamit ng kanilang mga mobile phone ngunit mahigpit na binabantayan ng kanilang mga amo.
Pinayagan lamang ang mga itong makabalik ng bansa sa pamamagitan ng pagbabayad ng P90,000 sa kanilang kumpanya.
Sinabi ni Tansingco na ang pinakahuling batch ng mga repatriates ay nagpapakita na ang sindikato ay tumatakbo pa rin, at ibinahagi na maging ang ibang mga bansa sa Asya ay nag-ulat na ng parehong suliranin.
