Nagkunwang government employees

Ni NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang limang Pinoy na pinaniniwalaang biktima ng human trafficking na nagtangkang umalis ng bansa sa pagkukunwari bilang mga manggagawa sa gobyerno.
Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, sinabi ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) na hinarang ang mga pasahero sa NAIA Terminal 3 bago sila makasakay sa Cebu Pacific flight papuntang Bangkok, Thailand.
Nabatid na ang mga pasahero ay iniulat na nagpakita ng kahina-hinalang travel authority mula sa ahensya ng gobyerno kung saan sila ay sinasabing nagtatrabaho.
Gayunpaman, inamin ng mga biktima sa pagtatanong na sila ay walang trabaho at ang mga travel authority certificates at iba pang mga dokumento na kanilang ipinakita ay hindi totoo at ibinigay lamang sa kanila ng kanilang mga handlers
Sinabi ng BI na ang pangalan at pagkakakilanlan ng umano’y courier ng mga biktima ay naendorso na sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Napag-alaman na dalawa sa mga pasahero ang nagbayad sa kanilang recruiter ng mahigit sa P30,000 kapalit ng kanilang papeles para makalabas ng bansa.
Lumalabas pa sa imbestigasyon na pinangakuan ang mga biktima ng mataas na suweldong bilang mga guro sa Thailand.
Muling binalaan ni Tansingco ang publiko laban sa mga taong nagre-recruit ng mga Pilipino para magtrabaho nang ilegal sa ibang bansa, dahil maraming biktima ang nagiging alipin ng mga sindikato ng crypto scam.
“Some of these victims have been rescued and repatriated to Manila and recounted stories about the bitter ordeal and even physical harm they suffered in the hands of their foreign employers,” ayon sa opisyal.
