
NI MJ SULLIVAN
Itinaas na ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa alert level 3 ang alerto sa bulkang Mayon dahil sa nagpaparamdam ito ng aktibidad.
Ayon sa Phivolcs, sa loob ng 24-oras na pagbabantay, nakita ang mabagal na pagdaloy ng lava na may haba na 3.4 km sa Bonga Gully, 2.8 km sa Mi-isi Gully at 1.1 sa Basud Gully.
Naitala rin ang pagguho ng lava na umabot ng 4 kilometro mula sa bunganga ng bulkan.
Nakapagtala rin ng 137 volcanic earthquakes kabilang ang 136 na volcanic tremors na may habang 1012 minuto at 206 na rockfall events at 4 pyroclastics density current evetns.
Samantala, nakapagtala rin ng 1,257 tonelada ng sulfur dioxide flux at 500 metrong taas ng pagsingaw ng bunganga ng bulkan na napadpad sa kanluran at kanlurang timog kanluran.
Nakita rin ng mga siyentipiko ang panandaliang pamamaga ng bulkan kung kaya’t nagpalabas ng paalala ang Phivolcs sa mga nakatira malapit sa bulkan sa posibleng pagguho ng bato, pag-agos ng lava, pagragasa ng tipak na lava o bato, katamtamang pagputok at pag-agos ng lahar kung may matinding pag-ulan.
Mahigpit na ipinagbabawal ng Phivolcs ang pagpasok sa 6 km radius permanent danger zone at paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan
Samantala, nakapagtala rin ng anim na volcanic earthquake ang bulkang Bulusan sa loob ng 24-oras.
Maliban sa paglindol, nakapagtala rin ng pagbuga ng sulfur dioxide flux na nasa 248 tonelada kada araw at 100 metrong pagtaas, mahinang pasingaw sa ibabaw ng bulkan.
Ayon pa sa Phivolcs, patuloy na binabantayan ang pamamaga ng bulkan kung saan naglabas ng babala ang ahensya sa posibleng biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions.
Nananatili namang nakataas sa alert level 1 sa bullkang Bulusan kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 4 km radius permanent danger zone at pagpasok nang walang pag-iingat sa 2 km extended danger zone sa bahagi ng timog-silangan.
Ipinagbabawal din ang paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid na lumipad malapit sa tuktok ng bulkan.
