
Ni NERIO AGUAS
Nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa mga international travelers na iprayoridad ang maagang pag-check-in sa pamamagitan ng pagdating nang hindi bababa sa tatlong oras bago ang kanilang nakatakdang flight.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco ang kahalagahan ng pagdating kaagad sa paliparan upang matiyak ang tuluy-tuloy na karanasan sa paglalakbay.
“Early check-in is not just a recommendation; it’s a key factor in ensuring smooth immigration procedures. Passengers should make it a priority to complete check-in and proceed directly to the immigration area,” aniya.
Hiniling ni Tansingco sa mga manlalakbay na dumating nang mas maaga sa 3 oras kung nais nilang marananasan ang iba pang pasilidad ng paliparan, kabilang ang iba’t ibang restaurant, coffee shop, at iba pang amenities nito.
Dagdag pa ng opisyal na inaaasahan ang pagdating ng mas maraming pasahero na maglalakbay dahil sa mahabang bakasyon.
Ibinahagi ni Tansingco na pinalakas ng BI ang kanilang operasyon sa pamamagitan ng pag-deploy ng karagdagang mga tauhan at ang pagpapakilala sa mga mobile counters upang mapabilis ang pagproseso ng pagdating at pag-alis ng mga pasahero.
Sa kabila ng di maiiwasang pagtaas sa volume ng pasahero sa panahon ng peak travel period, tinitiyak ni Tansingco na ang BI ay nakahanda upang mapamahalaan ang sitwasyon nang epektibo.
“While we anticipate some waiting times due to simultaneous arrivals and departures, we have implemented measures to ensure that lines remain manageable,” ayon pa sa BI chief.
Upang matiyak ang tuluy-tuloy na operasyon, inatasan ni Tansingco ang lahat ng BI terminal heads na mahigpit na subaybayan ang operasyon ng BI sa mga darating na linggo upang matukoy at malutas kaagad ang anumang mga potensyal na suliranin.
Sinabi pa nito na ang araw-araw na operasyon sa mga international airports ay nakalagay sa social media sa panahon ng bakasyon at katapusan ng linggo upang payagan ang mga manlalakbay na maghanda nang maaga.
Samantala, ipinahayag ng BI Chief ang kanyang pasasalamat sa mga tauhan nito na nagtatrabaho nang walang tigil sa panahon ng peak travel seasons na tinitiyak ang seguridad at kahusayan ng immigration procedures ng bansa.
“Their sacrifices during this holiday season, their commitment to their duty, and their service to our nation does not go unnoticed,” sabi nito.
