
NI NOEL ABUEL
Isinusulong ni Senador Jinggoy Ejercito Estrada ang pagsasabatas ng buwanang P1,000 hazard pay para sa mga barangay tanod bilang insentibo sa ginagampanang tungkulin na pagpapanatili ng kaligtasan at kaayusan sa kanilang komunidad.
“Malaki ang ambag ng mga barangay tanod sa pagpapanatili ng kaayusan at kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan. Sila ang nagpupuyat sa gabi at frontliner, gaya ng nasaksihan natin noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Kakarampot na halaga ito kapalit ng kanilang serbisyo, sakripisyo at pagkakawanggawa,” pahayag ni Estrada.
Sa inihain nitong Senate Bill No. 794, layon nito na bigyan ng buwanang P1,000 bilang hazard pay ang hinirang na mga miyembro ng barangay tanod brigades.
Ang pondong gagamitin ay una munang manggagaling sa budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG) habang ang mga susunod na implementasyon nito ay isasama na sa budget ng local government units (LGUs).
Ayon sa senador, bagama’t tumatanggap ng mga benepisyo ang mga barangay tanod tulad ng iba pang opisyal ng barangay, binibigyan lamang ang mga ito ng hindi bababa sa P600 kada buwan na honoraria o allowance.
“Ang barangay tanod brigades ay mga manggagawa sa komunidad na nangangailangan din ng proteksyon. Ang panukalang ito ay kinikilala ang kanilang mahalagang kontribusyon sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang lokalidad sa pamamagitan ng pagbibigay ng insentibo habang patuloy silang tumutupad sa kanilang mga opisyal na gawain,” ani Estrada, chairperson ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development.
“Bilang mga frontliner, dapat silang makatanggap ng sapat na suporta at pagkilala mula sa gobyerno. Karapat-dapat silang bigyan ng ganitong insentibo,” sabi pa ni Estrada, na isang dating lokal na punong ehekutibo at nagsilbi bilang mayor ng siyudad ng San Juan sa loob ng tatlong dekada bago nahalal na senador noong 2004.
