
NI MJ SULLIVAN
Apektado ng shear line o pagsasalubong ng mainit at malamig na hangin ang silangang bahagi ng Southern Luzon at Visayas habang hanging amihan naman ang makakaapekto sa Northern at Central Luzon.
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), maliban sa nasabing weather system, patuloy na binabantayan ang galaw ng low pressure area (LPA) na huling namataan sa layong 735 km silangan ng Virac, Catanduanes.
Samantala, ang Bicol Region, MIMAROPA, Western Visayas, Eastern Visayas, Quezon at hilagang bahagi ng Cebu ay makakaranas ng maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog dahil sa epekto ng shear line at LPA.
Habang ang Batanes, Cagayan, Isabela at Aurora ay magiging maulap at may mahinang pag-ulan dahil sa epekto ng Northeast Monsoon.
At ang Ilocos region, Cordillera Administrative Region, ang nalalabing bahagi ng Cagayan Valley, at nalalabing bahagi ng Central Luzon ay magiging maulap ang papawirin at may kalat-kalat na pag-ulan dahil pa rin sa Northeast Monsoon.
Ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ay magiging maulap ang papawirin na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan o pagkulog dahil sa localized thunderstorms.
