Lumang problema at paglabag sa BSK elections muling naitala

ONLINE BALITA NEWS

Walang pagbabago at paulit-ulit lamang ang nangyayari tuwing panahom ng eleksyon sa bansa.

Ito ang nasabi ng ilang botante na nakapanayam ng OnlineBalita.com sa isang malaking syudad sa Metro Manila sa ginaganap na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections 2023 kung saan kabilang sa nakitang mga paglabag ay ang pangangampanya sa mismong araw ng eleksyon sa labas ng voters precinct.

Una nang sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na mahigpit na ipinagbabawal ang pangangampanya sa huling araw o mismong araw ng eleksyon kung saan posibleng managot ang sinumang kandidato.

Marami rin ang nakitang mga botante ang nawawala ang pangalan sa listahan ng Commission on Elections (Comelec) maliban pa sa nagkalat ang mga supporters ng mga kandidato na nakasuot ng kulay ng damit na nagsisilbing election watchers ngunit kitang-kita naman na nangangampanya sa loob ng voters precinct.

Sa kabila ng may nakakalat na mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa labas ng mga public schools ay hindi nakikita o nasasaway ang mga nag-aabot ng sample ballots sa mga botante.

Isa sa may-akda ng balitang ito ang personal na inabutan ng sample ballot sa labas ng eskuwelahan  nang bumoto ito sa Quezon City.

May usap-usapan pa na nagkaroon ng vote buying subalit walang gustong magpatunay nito.

Samantala,  tulad ng mga nakalipas na eleksyon, malaking tulong ang election watchdog na Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV)  na nagpakalat ng mga volunteers sa buong bansa para sa pagsubaybay sa BSKE 2023.

Bago ang pagbubukas ng eleksyon, nag-alay ng misa ang Simbahang Katolika para sa mga volunteers ng PPCRV at hindi naiwasan na ang sermon ng pari ay may kinalaman din sa eleksyon.

Leave a comment