
Ni NERIO AGUAS
Nagdagdag na ng mga tauhan ang Bureau of Immigration (BI) sa mga paliparan sa buong bansa dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga lokal at dayuhang turista.
Ayon sa BI, aabot sa 50 karagdagang tauhan nito ang ipakakalat sa Cebu, Bohol, Caticlan, at Clark international airports.
Nabatid na and mga nasabing mga bagong tauhan ay sumasailalim sa pagsasanay sa enhance border control operations.
Sinabi ni BI Commissioner Norman Tansingco na inaasahan ang 4 na milyong arrivals at 3.8 milyong departures sa ikaapat na bahagi ng taon ngayong nalalapit ang holiday seasons.
Aniya, upang mapadali ang proseso ng BI, pinakilos din nito ang augmentation at rapid response teams at ipinakilala ang mga mobile counters upang tugunan ang pagdating ng peak travel times.
Sinabi pa ng BI Chief na ang ilang oras ng paghihintay ay inaasahan sa panahon ng abalang panahon ngunit tinitiyak sa mga manlalakbay na maisasaayos ito kasabay ng apela sa mga pasahero na dumating nang mas maaga sa paliparan.
“We are fully prepared for the peak season and are maximizing our manpower to better service the traveling public,” sabi ni Tansingco.
Ayon sa datos ng BI, nasa 32,000 ang average arrivals at 36,000 average departures ang naitatala sa mga nakalipas na araw.
