
Ni NOEL ABUEL
Bunsod ng nakitang paghihirap ng maraming person with disability (PWDs), senior citizen, at mga buntis sa pagboto sa nakalipas na Barangay at Sangguniang Kabataan elections ay iginiit ni Senador Alan Peter Cayetano na dapat na magkaroon na ng permanenteng voting areas ang mga ito.
Sinabi ni Cayetano naipapanukala nito ang isang batas na pahihintulutan ang Commission on Elections (Comelec) na magtalaga ng mga permanenteng voting areas para sa kanila.
“I agree that some sort of legislation is needed to allow the Comelec na bunutin sa voters list lahat ng mga PWD. Para pag-register pa lang nila, ilalagay na nila doon sa list,” wika ni Cayetano sa mga mamamahayag matapos ang pagboto nito.
“At kung sakali man, you can change your registration sa Comelec na PWD ka na. Para bago ka pa pumunta sa school, doon pa lang sa precinct finder, alam na ng principal at saka ng mga teachers kung ilan ang PWD talaga,” dagdag nito.
Sinabi ni Cayetano na mayroon nang batas para gawing PWD-friendly ang lahat ng mga gusali sa bansa tulad ng Accessibility Law o Batas Pambansa No. 344.
“May legislation na about all public buildings na maging PWD-friendly, so kung iyan ay mai-inspect year in-year out, hindi dapat ganoon kahirap doon sa mga meron na hindi ba? To be fair kay Chairman George Garcia sa Comelec ngayon, napaka-progressive, napaka-aggressive nila,” wika nito.
Gayunpaman, sinabi ng senador na dapat gawin ng Comelec ang lahat para gawing PWD-friendly ang lahat ng mga polling precinct.
“There’s a difference between palusot and excuse hindi ba? So ibig sabihin ‘pag pumunta ka sa isang public building tapos wala talaga silang room sa baba, rampa, elevator, then sila [Comelec] mismo ang dapat gagawa ng makeshift, hindi ba? Napakarami na rin nating schools na may elevator,” pahayag pa ng senador.
Aniya, maaaring ibigay ang ground floor para sa mga naturang sektor para madaling makaboto.
“Meron talaga dapat tayong ‘no palusot’ policy. Theoretically, kung ilalagay mo lahat ng boboto na may dahilan like buntis, PWD at, senior doon sa harap, they will walk much less,” aniya.
Sinabi rin ni Cayetano na maaaring payagang bumoto nang maaga ang mga naturang tao pati na ang mga guro.
“It would be really much more convenient kung the day before pwede nang bumoto ang senior at PWD. Even for the principals and the teachers. May special lane na sana for them,” ayon pa dito.
