
Ni NOEL ABUEL
Hinimok ni Senador Mark Villar ang publiko na maging mapagmatyag sa mga presyo ng karaniwang ibinebenta sa panahon ng pagdiriwang ng All Saint’s Day and All Soul’s Day.
Ayon sa senador, ilan sa mga produktong ito ay mga bulaklak, kandila, at mga produktong pagkain, bottled water,malagkit na bigas, at asukal.
“Sa taunang paggunita natin ng Undas, mahalaga po na ating bantayan ang presyo ng mga bilihin para masiguro na ang ating mga mabibili, lalo na ang mga kandila at bulaklak, ay hindi lumalabag sa price guide ng DTI,” sabi ni Villar.
Kamakailan ay nagsagawa ng surprise price monitoring activity ang Department of Trade and Industry (DTI) sa Dangwa Flower Market, isa sa mga pinupuntahan ng mga Pilipino na mamili ng mga bulaklak sa anumang okasyon kung saan nakita na tumaas na ng P30 hanggang P200 ang presyo ng bulaklak.
“Atin pong inaasahan ang pagdagsa ng maraming mamimili, kaya sana po ay wag nating abusuhin ang importanteng okasyon na ito para sa ating mga kapwa Pilipino. Tayo po ay kaisa ng DTI in appealing to our vendors to fairly sell their products ngayong Undas,” dagdag pa ng senador.
Umaasa si Villar, chairman ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship, na susunod ang mga tindero ng bulaklak at kandila sa SRP para ngayong panahon ng Undas.
“Apart from a safe and orderly celebration of Undas, it is likewise important that we monitor the prices of these in-demand products. Mahalaga po na as we pay respect to our departed loved ones, tayo rin po ay maging mapanuri sa mga bilihin na ating gagamitin sa paggunita sa kanila,” paliwanag pa nito.
