
Ni NERIO AGUAS
Hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Pinay na nagtangkang umalis ng bansa gamit ang pekeng dokumento.
Ayon sa ulat na tinanggap ni Immigration Commissioner Norman Tansingco sa BI immigration protection and border enforcement section (I-PROBES), ang dalawang Pinay ay hinarang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 bago pa makasakay ng Air Asia flight patungong Kuala Lumpur.
Nabatid na nang dumaan sa immigration counter ang dalawang Pinay ay napansin na ang isinumiteng dokumento ay kahina-hinala.
Nang sumailalim sa pagtatanong ng mga tauhan ng I-PROBES, sinabi ng mga biktima na magkatrabaho ito sa isang Information Technology (IT) networking company.
Sa huli ay umamin ang mga biktima na employment documents na ipinakita ay hindi totoo at ang mga ito ay ibinigay lamang sa kanila sa pamamagitan ng kanilang mga recruiters na kanilang nakilala sa Facebook.
Dinagdag pa ng mga ito na nagbayad ng tig- P75,000 sa kanilang recruiters kapalit ng pagpoproseso ng dokumento para magtrabaho sa Paris.
Agad na dinala sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang mga biktima para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa kanilang recruiters.
