Bolivian drug trafficker naaresto ng BI sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang dayuhan na sinasabing miyembro ng isang drug syndicate sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.

Kinilala ang nadakip na dayuhan na si Roberth Lavadenz Alvarez, 30-anyos, isang Bolivian national, na naharang bago pa makapasok sa bansa.

Sinabi ni Bureau of Immigration (BI) Anti-Terrorist Group (ATG) airport head Bienvenido Castillo III na ang matagumpay na pag-aresto sa naturang dayuhan ay resulta ng travel pattern monitoring ng ahensya kay Alvarez.

Nabatid na dumating sa bansa si Alvarez mula sa Brazil sakay ng Ethiopian Airlines flight, na may layover sa Addis Ababa.

May karagdagang impormasyon mula sa US counterparts kung saan inalerto ng BI-ATG at miyembro ng NAIA Drug Interdiction Task Group (DITG) na nagresulta sa pagkakasabat kay Alvarez nang dumating ito sa Pilipinas.

Sa isinagawang inspeksyon sa bagahe ng dayuhan ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) K9 units, nakita ang apat na plastic packs na kahalintulad ng toffee candies na may kabuuang 405 na piraso at apat na bags na naglalaman ng fish food na may kabuuang bigat na 5,515 grams.

Nang isailalim sa field tests ay lumabas na kumpirmadong naglalaman ito ng illegal substances.

Sa pag-iimbestiga kay Alvarez, ibinulgar nito na isang African descent ang nag-alok dito ng $5,000.00 para ihatid ang nasabing mga bagay sa Maynila, na may mga tagubilin na maghintay ng karagdagang gabay sa kanyang hotel pagdating nito sa bansa.

Agad na dinala sa kostudiya ng PDEA ang nasabing dayuhan para sa kaukulang imbestigasyon.

Leave a comment