
Ni NOEL ABUEL
Kasunod ng mga positibong resulta ng pilot na pagpapatupad ng early voting scheme para sa mga senior citizen at persons with disabilities (PWDs) noong nakalipas na Barangay at Sangguniang Kabataan elections, muling iginiit ni Senador Sonny Angara ang kanyang panawagan para sa agarang pag-apruba sa kanyang panukalang batas para ma-institutionalize ito sa buong bansa.
Ayon kay Angara, may akda ng Senate Bill Number 777 o ang panukalang naglalayong pahusayin ang accessibility sa pagboto at pagpapatupad ng maagang pagboto para sa mga nakatatanda at PWDs.
Sinabi ni Angara na ang pag-apruba nito ay matagal na at dapat nang ipatupad sa susunod na halalan.
Binanggit ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia ang “blockbuster” turnout sa pilot implementation ng maagang pagboto para sa mga nakatatanda at PWDs sa Naga at Muntinlupa City, kung saan ang mga botante ay nagpakita ng alas-5:00 ng madaling-araw upang bumoto para sa barangay election.
Sinabi ni Garcia na dapat na ipatupad na ito sa buong bansa sa 2025 election at hinimok ang Kongreso na ipasa ang batas na nagpapahintulot sa mga vulnerable sectors na bumoto bago ang nakatakdang halalan.
“It is encouraging to hear from our Comelec Chairman about the positive reception of our senior citizens and PWDs to the early voting scheme in the two pilot cities. It clearly shows that in spite of difficulties they experience, they always make it a point to exercise their right to suffrage,” sabi ni Angara.
Ayon naman sa National Commission on Senior Citizens, nasa 11.6 milyon ang mga Filipino na nasa 60-anyos pataas ang makapagparehistro para makaboto sa BSKE.
Sa ilalim ng SBN 777 ni Angara, ang mga seniors citizens at PWDs ay papayagang makaboto dalawang araw sa loob ng 15 araw bago ang eleksyon.
Ang mga seniors at PWDs na nakapagparehistro para sa early voting ay may opsyon na ang kanyang balota ay ihuhulog sa itinalagang voting precinct.
Ang panukalang batas ay mag-aamiyenda sa Republic Act 10366 o ang batas na nagbibigay-awtorisa sa Comelec na magtatag ng mga presinto na nakatalaga sa mga mapupuntahang lugar ng botohan para lamang sa mga PWDs at senior citizens.
Pinahihintulutan ng SBN 777 ang Comelec na magtalaga ng mga presinto na mapupuntahan para sa eksklusibong paggamit ng mga PWD at nakatatanda, tulad ng sa mga pampublikong paaralan, mga bulwagan ng bayan o plaza, mga civic center, mga sentro ng komunidad o iba pang katulad na itinalagang mga espesyal na lugar upang matiyak ang kanilang kaligtasan at ginhawa.
“Nakakalungkot ang mga balita na marami pa ring mga seniors natin ang pumila nang matagal na panahon sa mga presinto at kinailangan pa umakyat ng ilang palapag para lamang bumoto. Kung maisasabatas ang panukala natin ay magiging mas madali at mas komportable para sa mga seniors at pati na rin ng mga PWDs ang bumoto sa panahon ng halalan,” pahayag pa ni Angara.
