
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan si House Deputy Minority Leader at Bagong Henerasyon party-list Bernadette Herrera para sa mabilis na pag-apruba sa panukalang batas na nagsasaad ng hindi pagbabayad ng toll fee bilang paglabag sa trapiko at nag-uutos ng automated cashless toll collection upang mapahusay ang kaligtasan sa kalsada at maibsan ang pagsisikip sa tollway, lalo na sa panahon ng peak holiday season.
Sa House Bill 8161 na inihain ni Herrera, noong nakalipas na Mayo, ay lumabas mula sa pangangailangan na mapabuti ang kaligtasan sa kalsada at i-streamline ang daloy ng trapiko sa loob ng mga tollways ng bansa.
Ang isang mahalagang probisyon sa panukalang batas ay nagtatalaga ng hindi pagbabayad ng toll fee bilang isang paglabag sa trapiko, na may multa at parusa, na naglalayong pigilan ang anumang sinadya o hindi sinasadyang pag-iwas sa mga pagbabayad ng toll na maaaring humantong sa traffic gridlock at mga aksidente.
“By making non-payment of toll fees a traffic violation, we are sending a clear message that traffic rules must be followed. This is a fundamental step in ensuring the safety of our tollways,” ani Herrera.
Sa panukalang batas, mahigpit na parusa ang kakaharapin ng mga lalabag kung saan sa unang paglabag ay may multang P1,000 at isang buwang suspensiyon ng lisensya sa pagmamaneho.
Sa ikalawang paglabag, tataas ang parusa sa P2,000, kasama ng tatlong buwang suspensiyon.
At sa ikatlong paglabag, multang P5,000 at anim na buwang suspensyon ng lisensya,
Ang multang makokolekta ay gagamitin sa pagsasaayos ng road safety signage at mga pagpapahusay sa pagpapatupad ng tollway, na sa huli ay makakatulong para sa mas ligtas at mas mahusay na mga sistema ng kalsada.
Iminumungkahi rin ng panukala ang mandatory ang paggamit ng standardized Radio-Frequency Identification (RFID) system sa lahat ng mga tollway sa bansa, na may layuning i-streamline ang pangongolekta ng toll at pagandahin ang karanasan para sa mga commuters, motorista, at negosyo.
“Automated cashless toll collection is more than just a convenience; it’s a way to reduce traffic congestion, especially during peak holiday seasons,” ayon sa kongresista.
“Our highways and expressways are the lifeblood of our transportation network. With this bill, we’re taking significant strides to make them safer and more efficient,” dagdag pa ni Herrera.
