Sen. Tolentino sa mga bagong brgy chairman: Huwag palitan ang mga brgy health workers

Ni NOEL ABUEL

Umapela ang isang senador sa mga nagwaging barangay chairman sa buong bansa na kung maari ay huwag nang palitan ang mga barangay health workers (BHWs).

Paliwanag ni Senador Francis Tolentino ito ay dahil sa taglay na nilang malawak na karanasan na mahirap matutunan ng iba sa madaling pahanon.

Sa kanyang TV program sa Net 25, nabanggit ni Tolentino na ang mga BHW ang mga bayani ng covid-19 pandemic, kung kaya ang kanilang karanasan ay mahirap mapantayan.

“‘Yung mga barangay health workers natin, isa sa pinakamagaling sa buong mundo. Sila ang naging frontliners natin noong Covid-19 pandemic. Dalawa at kalahating taon na pandemic, sila ang nagtatrabaho… Sila ‘yong pinanlaban natin sa Covid,” diin ni Tolentino.

Ayon pa dito, kung sakaling papalitan ang mga BHW, dapat ay mas mahaba ang transition period at ang training na ibibigay sa mga bagong BHW.

Pero kung ito aniya ang tatanungin, kung maari ay i-retain na lamang ang mga BHW bilang bahagi ng ating national health workers system.

Pagpapakita rin aniya ito ng continuity sa health services at pag-aalok ng pagkakaisa sa buong barangay na ayon kay Tolentino ay isang uri ng liderato na kailangan sa panahong ito.

Leave a comment