
Ni NERIO AGUAS
Nakatakdang ipatapon palabas ng bansa ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Australian national matapos mapatunayang umabuso at nanakit sa kinakasama nitong Pinay at maging anak nito.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang dayuhan na si Peter David Maxwell, 66-anyoa, na inaresto sa Morong, Bataan noong nakalipas na Oktubre 25 ng pinagsanib na puwersa ng intelligence division and fugitive search unit (FSU).
Sinabi ni Tansingco na sumasailalim ngayon si Maxwell sa deportation proceedings sa harap ng BI board of commissioners bilang resulta ng kasong undesirability na isinampa laban sa kanya ng immigration prosecutors.
Ang kaso ay nag-ugat umano sa reklamong inihain ng estranged wife ni Maxwell na inakusahan ang Australian ng pambubugbog at pang-aabuso sa kanya at sa kanyang anak.
Nakasaad sa reklamo na si Maxwell ay makailang beses na inireklamo ng mga kapitbahay nito sa Morong dahil sa pagiging basagulero at pagbabanta na sasaktan ang ibang tao tuwing ito ay lasing.
Sinabi ni Tansingco na naglabas ito ng mission order para arestuhin ang Australian dahil ang mga dayuhan na nananakit sa mga kababaihan at mga batang Pilipino ay hindi karapat-dapat sa pribilehiyong manatili dito at dapat na sipain palabas ng bansa.
Natuklasan din na ang nasabing dayuhan ay nag-expired ang tourist visa nito noon pang 2018 kung kaya’t awtomatikong undocumented at overstaying na ito sa bansa.
Samantala, isa pang wanted na dayuhan ang inaresto sa lalawigan ng Cebu.
Nakilala ang nasabing dayuhan na si Xiao Peng, 51-anyos, na dinakip ngga tauhan ng
FSU operatives noong Nobyembre 2 sa bahay nito sa Costa del Sol Subd., Bgy. Suba-Basbas, Lapu-Lapu City.
Nabatid na humingi ng tulong ang Chinese government sa BI para sa ikadarakip ng naturang dayuhan dahil sa may arrest warrant ito na inilabas ng public security bureau sa Jiangle County sa Western Fujian province, China.
Inakusahan umano ito ng ilegal na paggawa at pagbebenta ng mga makina na ginagawang sigarilyo ang tabako.
Kapwa nakadetine sa BI jail facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang sina Maxwell at Xiao habang inihahanda ang papeles para sa pagpapatapon pabalik ng kanilang bansa.
