
Ni NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang isang US national na nahatulan sa kasong may kinalaman sa sex crimes sa Estados Unidos.
Kinilala ni Immigration Commissioner Norman Tansingco ang naturang dayuhan na si Thomas Henry Vander Waal, 39-anyos, na pinigilang makapasok sa NAIA Terminal 1 nang dumating sakay ng China Eastern Airlines flight mula Taipei, Taiwan.
Sinabi ni Tansingco na agad na binigyan ng exclusion order ang Amerikano matapos makita ng opisyal na nagproseso sa kanyang pagdating na ang kanyang pangalan ay nasa alert list ng BI ng mga rehistradong sex offenders (RSO).
“Our immigration law expressly forbids entry of aliens who have been convicted of a crime involving moral turpitude because they are an undesirable aliens,” sabi ng BI chief.
Ayon sa Interpol’s national central bureau in Manila, si Vander Waal, na mula sa Rock Valley, Sioux County, Iowa, ay nahatulan kaugnay ng sex offenses laban sa isang menor de edad sa US.
Kasama sa hatol dito ang pagsasangkot sa kasong kriminal kabilang ang child pornography, sekswal na pang-aabuso, at pangmomolestiya sa isang batang wala pang 15 taong gulang.
Inihayag ni Tansingco na naglabas na ito ng kautusan na nag-uutos na isama ang Amerikano sa blacklist ng BI ng mga unwanted aliens.
“This effectively bans him from re-entering the Philippines so that he won’t pose a threat and risk to our women and children,” sabi nito.
