Speaker Romualdez nagpasalamat kay Japanese PM Kishida

Ni NOEL ABUEL

Nagpasalamat si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kay Japanese Prime Minister Fumio Kishida na nagtalumpati sa joint session ng Kongreso nitong Sabado.

“In the spirit of unity and partnership, we extend our sincere and heartfelt appreciation to his excellency, Prime Minister Kishida Fumio,” ani Speaker Romualdez.

“With reverence and hope for our shared future, today’s discourse fortifies the bridge between our great nations. Maraming salamat at mabuhay po tayong lahat!,” dagdag pa ng lider ng mahigit 300 kongresista.

Sa kanyang talumpati, binigyan-diin ng Japanese Prime Minister ang kahalagahan ng pagpapalakas ng relasyon ng Pilipinas at Japan.

Nangako rin ito na patuloy na susuportahan ang pag-unlad ng Pilipinas.

Ayon naman kay Senador Lito Lapid, mahalaga na may kaibigan ang Pilipinas tulad ng Japan sa kasalukuyang sitwasyon ng bansa.

“Sa panahon ngayon na maraming hamon ang kinakaharap ang ating mundo, kailangan natin ng mga tapat na kaibigan na maasahan at masasandalan na tumulong sa pagtatanggol sa ating demokrasya at soberenya,” sabi nito.

“Kaisa tayo ng maraming bansa sa paghahangad ng mapayapa at makatwirang resolusyon sa iba’t ibang usapin na kinakaharap ng ating bayan at ng mga Filipino sa buong mundo,” dagdag pa nito.

Itinuturing aniya nito ang pagbisita ni PM Kishida bilang isang pagpapakita ng mas malalim na pagkakaibigan at mas matatag na relasyon ng bansang Hapon at Pilipinas.

“Inaasahan ko na ang pagbisitang ito ni PM Kishida ay lalo lamang iigting ang ating ugnayan sa mga bansang tunay na kumikilala sa demokrasya at pag-iral ng batas,” ayon pa dito.

“Sa matagal na panahon po ay naging mabuting katuwang natin ang bansang Hapon sa maraming proyekto na para sa ikasusulong ng ating ekonomiya. Inaasahan din po natin na lalo pang lalawak ang economic relations sa pagitan ng ating mga bansa sa mga darating na panahon,” dagdag pa ni Lapid.

Leave a comment