
NI MJ SULLIVAN
Nananatiling nakataas ang alert level 3 sa paligid ng bulkang Mayon, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Base sa datos ng Phivolcs, nakapagtala ng 141 volcanic earthquakes kabilang ang 139 na volcanic tremors at 84 na rockfall events at isang beses na pyroclastic density current event sa loob ng 24-oras na pagmamanman.
Nakita rin ang mabagal na pagdaloy na lava na may habang 3.4 km sa Bonga Gully, 2.8 km sa Mi-si Gully at 1.1 km sa Basud Gully. Nagkaroon din ng pagguho ng lava hanggang sa 4 km mula sa crater.
Sa sulfur dioxide flux, nakapagtala ng 920 tonelada at may 200 metrong taas, katamtamang pagsingaw na napadpad sa kanluran-timog-kanluran, kanluran-hilagang kanluran at kanluran-hilagang silangan.
Nakita rin ang Phivolcs na panandaliang pamamaga ng bulkan na senyales na may nangyayaring aktibidades sa nasabing bulkan.
Mahigpit din ang abiso ng Phivolcs, na pinagbabawal ang pagpasok sa 6 km radius permanent danger zone at paglipad ng anumang sasakyang panghimpapawid sa ibabaw ng bulkan.
Posibleng magkaroon umano ng pagguho ng bato at pagtapon ng mga tipak ng lava at bato gayundin ang pag-agos ng lava lalo na kung may malakas na pag-ulan at katamtamang pagputok.
