Pinay na biktima ng human trafficking umamin

Ni NERIO AGUAS

“Ayaw ko nang tumuloy kasi kinakabahan ako. Parang may kakaiba sa biyahe ko na ito.”

Ito ang naging pahayag ng isang Pinay na itinago sa pangalang Nina na biktima ng human trafficking na nagdesisyong hindi na tumuloy sa biyahe nito.

Ayon sa Bureau of Immigration’s (BI) immigration protection and border enforcement section (I-PROBES), nang dumaan sa secondary inspection ang biktima ay nagulat ang mga tauhan ng BI nang umamin ito na illegal itong na-recruit matapos bumiyahe sa Hong Kong at Macau noong Nobyembre 3 para sa 4-day tour.

Sa imbestigasyon, inamin ng biktima na ayaw na nitong tumuloy sa United Arab Emirates (UAE) kung saan ito na-recruit bilang household service worker (HSW).

“Aamin po ako sayo. Papunta ako sa UAE pagkatapos kong mag-tour sa Hong Kong. Pero ayaw ko nang tumuloy kasi kinakabahan ako. Parang may kakaiba sa biyahe ko na ito,” sabi ng biktima.

Sinabi pa ng biktima na ni-recruit ito ng isang Pinay na nakilala nito sa Facebook at nangakong tatanggap ng buwang sahod na P30,000 kada buwan.

Sinabi ni Bi Commissioner Norman Tansingco na ang ginawa ni Nina ang tamang desisyon, na maaaring maligtas ito mula sa pagsasamantala sa ibang bansa.

“We are glad that our constant reminders are reaching our kababayan. Ultimately, the decision to protect oneself would come from the individual. Let us not put ourselves in danger by agreeing to departing through illegal means,” sabi nito.

Sa huli, inendorso ang kaso ni Nina sa inter-agency council against trafficking (I-ACAT) para sa pagsasampa ng kaso laban sa kanyang recruiter.

Leave a comment