“Walang personalan, trabaho lang”

Ni NOEL ABUEL
Ipinagtanggol ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang Kamara de Representantes at mga miyembro nito laban sa batikos mula sa mga kritiko gayundin ang pagbabanta, at pananakot saan man ito nanggaling.
Sa kanyang talumpati sa muling pagbubukas ng sesyon, tinuligsa ni Romualdez ang ilan na ang intensyon ay lumikha umano ng pagkakawatak-watak ng bansa.
“Tatayo ako laban sa sinuman na mananakot sa atin para masunod lamang ang gusto nila. Titindig ako – tayong lahat – para sa kapakanan ng bayan,” giit nito.
“Nagkakaiba man tayo ng pananaw at paniniwala, nagkakaisa tayong tumitindig kung intaatake ang ating institusyon. Hindi rin natin papayagan ang sinuman na pigilan tayo sa paggampan ng ating mandato sa ating mga kababayan,” ani Speaker Romualdez lider ng mahigit 300 miyembro ng Kamara.
Sinabi pa nito na bagama’t ang Kamara ay mayroong mga miyembro na nanggaling mula sa iba’t ibang grupo, isinasantabi umano ang mga pagkakaibang ito upang ipagtanggol ang institusyon at miyembro nito laban sa mapagsamantalang motibo na nais lamang alisin ang kanilang atensyon sa pagganap ng kanilang mandato.
Binigyan-diin ni Romualdez na ginamit ng Kamara ang kapangyarihan nito ng ilipat ang bahagi ng panukalang budget para sa susunod na taon sa mga proyekto at programa na sa tingin nito ay mas kinakailangang mapondohan.
“The House was never lenient, nor did it favor anyone. The entire process was dedicated to uplifting the lives of our fellow citizens and staying true to the fundamental principles of the system of checks and balances in the government,” ani Romualdez.
Sinabi nito na ginagawa lamang ng mga miyembro ng Kamara ang kanilang trabaho.
“Wala pong personalan dito. Trabaho lang,” wika pa ng lider ng Kamara.
Ayon kay Romualdez handa itong tumayo upang ipaglaban ang aksyon at desisyon ng Kamara kaninuman.
“We have consistently upheld the principles associated with democracy, representation, fairness, pluralism, and even dissent,” sabi pa nito.
Sinabi ni Romualdez na sa kabila ng mga nagawa ng Kamara ay mayroon pa ring mga sektor o indibidwal na hindi nasisiyahan dahil iba ang kanilang prayoridad kaya kanilang sinisiraan ang institusyon.
Nagpasalamat naman si Romualdez sa kanyang mga kasamahan sa kanilang pagpupunyagi kaya maganda ang pagtingin ngayon sa Kamara.
Patunay umano rito ang mataas na rating na kanyang nakuha sa OCTA Research survey na mula 38 porsiyento noong 2022 ay umakyat sa 60 porsiyento ang kanyang trust rating sa survey noong Oktubre 2023.
Tumaas din ang performance rating ni Speaker Romualdez na mula 44 porsiyento noong 2022 ay naging 61 porsiyento sa survey.
“Kung hindi dahil sa sipag at suporta ninyong lahat, hindi natin maibabalik ang tiwala ng mamamayan sa Kongreso. Ang mataas na pagkilala ng publiko są inyong Speaker at są ating Kapulungan ay bunga ng ating pagkakaisa at sama-samang pagkilos,” aniya.
“Ito rin ay pagkilala na tama ang ating ginagawa sa institusyong into. Mahirap mang gawin ang ilang desisyon na ating hinarap, napatunayan natin na nasa tamang panig tayo ng kasaysayan,” saad pa ni Romualdez.
Naalala rin ni Romualdez ang kanyang pangako noong ito ay nanalong Speaker na isusulong ang parehas na distribusyon ng resources ng gobyerno saang partido man ito nanggaling.
“I emphasized then that the politics of division has no place in this chamber. This still holds to this day, only now I reiterate this with a stronger resolve and greater conviction,” saad pa nito.
“But let it be said, never must be countenance or allow others not so likely-minded individuals who choose to malign or put down the image of this institution and dictate the direction we must go. I urge everyone to rally behind our moral compass – the will of the people,” wika pa ni Romualdez.
Sinabi nito na marapat na hayaan ang mga nagawa ng Kamara upang maipakita ang loyalty nito sa bansa, Konstitusyon, at mga Pilipino.
