Hustisya sa Filipino job seekers na biktima ng illegal recruitment at scamming iginiit ng senador

Senador Christopher”Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Umapela ng hustisya si Senador Christopher “Bong” Go sa umano’y illegal recruitment at human trafficking na nambiktima sa maraming overseas Filipino workers (OFWs) na aplikante patungo sa Italy.

Nabatid na ang Philippine consulate in Milan at ang Department of Migrant Workers (DMW) ay kumilos para tulungan ang mahigit 400 naghahanap ng trabaho, na nabiktima ng illegal recruitment scheme, na iniulat na kinasasangkutan ng Alpha Assistenza SRL.

Hinimok ni Go ang DMW at ang Department of Foreign Affairs (DFA) na ipaabot ang kanilang buong suporta sa mga apektadong indibidwal.

Nanawagan din si Go sa Department of Justice (DOJ) na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa nasabing usapin.

“Kailangan nating siguraduhin na ang bawat Pilipino, nasaan man sa mundo, ay protektado at hindi biktima ng panloloko. Hindi natin papayagan ang ganitong klaseng krimen lalo na kung ang OFWs na itinuturing pang bagong bayani ang bibiktimahin,” sabi ni Go.

“Mahirap ang mawalay sa sariling pamilya para lang mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang mga anak. Huwag natin hayaan na sa kagustuhan nilang guminhawa ang kanilang buhay ay sila pa ang maloloko ng mga mapangsamantalang mga tao,” dagdag pa nito.

Binigyan-diin din ng senador ang kahalagahan ng pagtutulungan at transparency sa isinasagawang imbestigasyon.

“Hinihikayat ko ang lahat ng sangkot na maging bukas at makipagtulungan sa imbestigasyon. Ang katotohanan ay dapat magdala ng hustisya sa mga salarin,” aniya pa.

Sinabi pa ni Go, vice chairperson ng Senate Committee on Migrant Workers, na handa itong lumahok sa pagdinig ng Senado hinggil sa isyu ng illegal recruitment kasunod ng resolusyon na inihain ni Senador Raffy Tulfo.

Binigyan-diin nito ang kanyang suporta sa pangangailangang mag-imbestiga bilang tulong sa batas upang matiyak na hindi na mauulit ang mga ganitong krimen.

“Magtutulungan tayo para mas mapalakas pa ang ating mga batas laban sa illegal recruitment at human trafficking. Dapat walang makalusot, at kailangang mabigyan ng hustisya ang ating mga kababayan,” giit nito.

Nanawagan din ang senador ng sama-samang pagsisikap na pangalagaan ang karapatan ng mga manggagawang Pilipino sa buong mundo.

“Bayanihan ang kailangan para maprotektahan ang ating mga OFWs. Hindi tayo titigil hangga’t hindi nakakamit ang hustisya para sa kanila,” sabi pa ni Go.

Nangako na ang gobyerno ng legal aid sa mga Pilipino na biktima ng scamming sa Italy, habang ang mga abogadong Italyano ay nakatakdang tulungan ang mga biktima sa pagsasampa ng class suit laban sa mga akusado na kumpanya.

Nakikipagtulungan din ang DMW sa DOJ para idokumento at imbestigahan ang mga reklamo.

Sa record, nagawang makumbinse umano ang mga biktima na magbayad ng malaking halaga kapalit ng trabaho sa mga hotel at restaurant sa Italy.

Ngunit nalaman umano ng maraming biktima na peke ang mga work permit na ibinigay ng Alpha Assistenza SRL matapos nilang bayaran ang ahensya at nang humingi ang mga ito ng refund, binigyan lamang ang mga ito ng tseke na walang pondo.

Leave a comment