Tatak Pinoy bill pasado na sa Senado

Ni NOEL ABUEL

Inaprubahan na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Tatak Pinoy (Proudly Filipino) bill na magpapalakas sa pagsisikap na maiangat ang Pilipinas sa hanay ng pinakamalakas at pinakamasiglang ekonomiya sa mundo.

May kabuuang 23 senador, mula sa mayorya at minorya, ang bumoto pabor sa Senate Bill 2426 o ang Tatak Pinoy Act, na isinulong at ang sponsor ay si Finance Committee chairman Senador Sonny Angara.

Taong 2019, nang simulan ang Tatak Pinoy bilang isang ideya ni Angara kung paano palalakasin ang ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay kapangyarihan sa mga negosyo at industriya upang makagawa ng mas mahusay, mas kakaiba at sopistikadong mga produkto at serbisyo.

“Tatak Pinoy will strengthen the partnership between the government and the private sector. With better coordination between the two sides, government will be able to implement more projects that will benefit the private sector—be it infrastructure or other initiatives such as those that will improve the skills and capabilities of our workforce,” pahayag pa ni Angara.

Pinasalamatan ni Angara si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagtrato sa Tatak Pinoy bill bilang isang mahalagang batas at kina Senate President Juan Miguel Zubiri at House Speaker Martin Romualdez sa pagsuporta ng mga ito sa mga priority bill ng Legislative Executive Development Advisory Council.

Nagpahayag din ito ng pasasalamat kay Majority Leader Joel Villanueva, Minority Leader Aquilino Pimentel Jr. at sa iba pang mga senador na nagbigay ng kanilang napakahalagang input sa panukala.

Ang iminungkahing Tatak Pinoy Act ay naaayon sa layunin ng administrasyon na magkaroon ng structural transformation alinsunod sa eight-point socioeconomic agenda ng pamahalaan.

Ito ay naaayon din sa Philippine Export Development Plan 2023-2028 na gawing mas pandaigdigan ang mga produktong gawa sa bansa at pagpapalawak ng antas ng pag-export nito sa ibang bansa.

“With Tatak Pinoy, the goal is to improve the competitiveness of our industries so that they can grow faster and produce more better paying jobs for our people,” ayon kay Angara.

Umapela si Angara sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na agad na ipasa ang kahalintulad na panukala.

“Nanawagan kami sa aming mga kasamahan sa Kamara na aksyunan na nila agad ang panukala. Agahan na po sana natin ang pag-pasa ng batas na ito, para makapagsimula na ang pagpaplano at trabaho para makapag-sanib-pwersa ang gobyerno at ang pribadong sektor para tulungan ang mga industriyang Tatak Pinoy. Ang pagsasabatas ng Tatak Pinoy bill ay isang malinaw na hakbang para pabilisin pa lalo ang ating muling pag-angat at pagtamo sa bagong Pilipinas na ating pinapangarap,” paliwanag pa ng senador.

Leave a comment