
Ni NOEL ABUEL
Maituturing nang ‘done deal’ o sigurado nang mapaglalaanan ng Senado ng pondo para sa paglalagay ng pasilidad sa Ayungin Shoal at Kalayaan Island sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay Senador Chiz Escudero, sa nakatakdang pagsisimula ng debate sa plenaryo sa 2024 national budget ngayong linggo ay sigurado nang ipapasa ng Senado ang paglalaan ng pondo.
“Senators are unanimous in putting funds in next year’s budget for building structures “meant not for aggression but for the welfare of our soldiers stationed there,” sabi ni Escudero.
Noong Agosto, si Escudero ang kauna-unahang senador na pormal na nagmungkahi ng pagtatayo ng floating wharf sa Ayungin na magsisilbi rin bilang kanlungan ng mga sasakyang pandagat anuman ang maging bandilang dala ng mga ito tuwing masama ang panahon.
Inirekomenda ni Escudero ang paunang P100 milyon para sa proyekto, na ibibigay sa ilalim ng Department of Transportation (DOTR) o Department of Public Works and Highways (DPWH) upang bigyan-diin ang mapayapang layunin nito.
Ang iba pang senador ay naglaan ng mas malaking pondo tulad ng P1 bilyon na nais ni Senador Jinggoy Estrada.
Sinabi pa ni Escudero na mismong si Senate President Juan Miguel Zubiri ang sumuporta sa panukala nito.
“I would now hold them to their assurance, and the best proof would be in the 2024 appropriations bill,” sabi nito.
Sinabi ni Escudero na igigiit din nito na ang pondo sa imprastraktura para sa pinakamalaking real estate ng bansa sa WPS, ang 37-ektaryang Kalayaan Island, na nagho-host ng air at naval stations, ay dapat na dagdagan ng budget.
“Bakit naman kasi P80 million para sa dalawang maliit na proyekto sa Kalayaan ang ipinanukala ng administrasyon sa 2024 national budget? They should back up their rhetoric with resources. Anger is good but appropriations are better,” sabi ni Escudero na tinukoy ang panukalang dalawang palapag na military barracks at igloo-type ammunition storage na nagkakahalaga ng P40 milyon bawat isa na isasagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
“WPS is a hotspot. Unless you’ve been living under the rock, you cannot miss what’s happening there. These are large blips in our radar but these escaped detection by those who prepared the budget,” ayon pa sa senador.
“It’s a natural formation, not reclaimed by man, and what is expected of us is to protect it from being eroded. Hindi na tayo gagastos ng bilyones,” dagdag pa nito.
Giit pa ni Escudero na ang dagdag na pondo ay dapat ding mapunta para sa pagsasaayos ng Rancudo Airfield at ng Liwanag Naval Station sa nasabing isla.
