
Ni NOEL ABUEL
Sinisiguro ni Senador Chiz Escudero na hihimayin nito nang husto ang panukalang ₱5.768 trillion 2024 General Appropriations Bill (GAB) sa sandaling simulan sa plenaryo ang pagtalakay dito.
Ito ang tiniyak ng senador upang masigurong ang pondo para sa susunod na taon ay maibibigay sa pangangailangan ng taumbayan.
Aniya, bibigyan nito ng espesyal na atensyon ang tatlong sektor ng pamahalaan kabilang ang local government units (LGUs), education at agriculture.
“Tatlong bagay ang prayoridad na tututukan ko kaugnay sa ating 2024 budget,” sabi ng beteranong mambabatas, tatlong araw matapos na matanggap ni Senate President Miguel Zubiri kay House Speaker Martin Romualdez ang GAB noong nakalipas na Sabado.
Sinabi ni Escudero na ang three-point priority nito ay upang maibalik ang konsepto ng “parametric insurance” na magsasaayos ng pagbabayad at pagpapalabas ng pondo para sa mga apektadong LGUs sa panahon ng kalamidad; masiguro na mababayaran ang State Colleges and Universities (SUCs) para sa extra amount na nagastos nito noong 2022 at 2023 sa implementasyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA); at paglaaan ng pondo para sa Department of Agriculture (DA) na susuporta sa mga programa ng bagong kalihim ng ahensya na si Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel.
“I would like to bring back the parametric insurance in so far as providing insurance coverage to often calamity-stricken areas, particularly the eastern seaboard of the country. Parametric insurance is based on how strong the typhoon signal was. Kung signal number 1 iyan, ganito lang ang bayad, signal number 2 ganito naman, etc. Total payout na ‘yun. Hindi na kailangan ang inspection at madaling mare-release ang pera,” pahayag pa ni Escudero.
“It will be under the Calamity Fund (CF). We did that before and we intend to do that again. We initially allocated only P1 billion to pay for the premiums,” sabi pa nito kasabay ng pagsasabing ang Government Service Insurance System (GSIS) ang tatayong insurer.
“Maliit lang ang premium pero malaki ang payout. Can you imagine, P1 billion lang in-allocate natin to pay for premiums in 2018, and what we got was P7 billion. So, the government can do well to do this again and charging it against the Calamity Fund thereby multiplying the potential benefits the CF can give to the affected areas,” ayon pa dito.
Sinabi pa ni Escudero, bilang chairman ng Senate Committee on Higher, Technical and Vocational Education, na aayusin nito ang mga pagkakaiba ng hindi lang sa basic education sector kung hindi maging sa higher education sector din.
