
Ni NERIO AGUAS
Hinarang ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang US national na nagpakita ng masamang ugali at paglalagay ng mali at bastos na impormasyon sa eTravel System.
Kinilala ang nasabing dayuhan na si Anthony Joseph Laurence, 34-anyos, na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 sakay ng Air Asia flight mula Bangkok, Thailand noong nakalipas na araw.
Nabatid na tumanggi si Laurence na sulatan ang eTravel online form at hindi iginalang ang primary inspection ng BI.
“The passenger initially showed disdain towards the primary inspector after he was reminded to fill out the eTravel online form,” sabi ni BI Commissioner Norman Tansingco.
Sinasabing inihagis ni Laurence ang kanyang pasaporte at ang kanyang mobile phone habang nagagalit sa mga sumitang immigration officers.
Nang pilitin na sulatan ang eTravel form ay nakita na hindi nito isinulat ang buong pangalan at naglagay rin ng maling address sa bansa at nagsulat din ng masamang salita.
“After verifying in our system, the officer discovered that the passenger keyed in a made-up address in the Philippines, did not include his full name, and inputted profane words in his entry,” ayon sa BI chief.
Ang eTravel System ay idinisenyo upang palitan ang paper-based arrival and departure cards upang mabawasan at mapahusay ang mga proseso ng BI sa mga international port, at dapat punan ng hindi bababa sa 72 oras bago ang pagdating.
Ipinahayag pa ni Tansingco ang kanyang pagkadismaya sa insidente, na naglabas ng mahigpit na babala na panindigan ang integridad ng eTravel.
“Such behavior is not only disrespectful but also undermines the efficiency of the system. Our agency is committed to ensuring a seamless experience to the traveling public. We expect all individuals to conduct themselves with respect and adhere to the established procedures. Any violation of these procedures will be dealt with firmly,” sabi ng opisyal.
Agad na pinabalik sa port of origin ang dayuhan at awtomatikong inilagay sa blacklist order at permanenteng hindi na makakabasok sa bansa.
Sa datos ng BI, aabot sa 44 dayuhan na dumating sa bansa at naging bastos ang pinabalik sa kanilang bansa.
