
Ni NERIO AGUAS
Naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang dayuhan na wanted sa kanilang mga bansa sa isinagawang magkahiwalay na operasyon.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, kabilang sa mga nadakip ay isang Chinese national at isang Korean national na pawang international fugitives.
Nabatid na noong Nobyembre 7 nang madakip si Guo Shangming, 45-anyos, sa Paco, Manila na wanted sa Luoyuan County Public Security Bureau dahil sa pag-utang ng mahigit sa P 2 milyon.
Si Shangming ay natuklasang undocumented alien matapos na mabigong i-renew ang visa nito nang unang dumating sa Pilipinas noong 2020.
Samantala, ang South Korean national na si Hyeong Jinwoo, 38-anyos, ay naaresto dahil sa pagiging undesirable alien sa operasyon sa Intramuros, Manila.
Base sa record ng BI, si Hyeong ay isang takas mula sa hustisya ng gobyerno ng Korea na may warrant of arrest na inisyu ng Suwon District Court para sa Fraud and Organization of Criminal Groups.
Sinasabing si Hyeong ay miyembro ng MinJun Pa, isang voice phishing syndicate na naka base sa Metro Manila na ilegal na nag-o-operate bilang financial institution na nagkukunwang nag-aalok ng low interest loans kapalit ng upfront payment ng outstanding debts at processing fees.
Ibinunyag pa ni Tansingco na si Hyeong ay nagtatago sa Pilipinas mula pa noong 2018 at halos P 14 milyon ang nadaya ng kanyang sindikato mula sa mga biktima nito.
Ang mga pasaporte ng mga naarestong pugante ay binawi ng mga awtoridad ng China at Korea, at ngayon ay itinuturing na undocumented at undesirable aliens ng BI.
