Panukalang evacuation centers sa bawat siyudad, munisipalidad nasa plenaryo na ng Senado

Senador Jinggoy Estrada

NI NOEL ABUEL

Inendorso na ng Senate Committee on National Defense and Security sa plenaryo ang panukalang batas na nag-uutos ng pagtatayo ng typhoon-resilient at earthquake-proof na evacuation centers sa lahat ng mga siyudad at munisipalidad sa bansa.

“Nais nating matiyak na ang mga itatayong evacuation centers ay matatag at magiging ligtas na silungan ng ating mga kababayan sa panahon ng kalamidad,” pahayag ni Committee chairperson at Senador Jinggoy Ejercito Estrada.

Binanggit ni Estrada ang isang pagsusuri na ginawa noong 2014 ng International Organization for Migration (IOM) at UNICEF, isang taon matapos ang super typhoon Yolanda, na nagpakita na walong porsiyento lamang o 53 sa 643 na itinalagang evacuation centers sa Eastern Samar ang itinuring na magagamit, habang 166 ang nawasak at 415 ang lubhang napinsala.

“Ang malupit na pinsala sa mga evacuation centers ay nagdulot ng pagkamatay ng marami dahil sa substandard na konstruksyon, matinding hangin at pag-apaw ng tubig. Ayaw po nating maulit ito,” sabi ni Estrada sa kanyang sponsorship speech.

Ang Senate Bill No. 2451 o ang panukalang “Ligtas Pinoy Centers Act” na nasa ilalim ng Committee Report No. 139 ay naglalayong maglagay ng permanente, matibay at may sapat na kagamitan na evacuation centers sa mga siyudad at munisipalidad sa bansa.

Ang panukalang batas ay nagtatakda rin ng mga minimum na pamantayan para sa mga kinakailangang pasilidad at nararapat na kondisyon ng mga centers.

Ani Estrada, dapat ay nasa ligtas at madaling puntahan na lugar ang mga ito at kayang harapin ang mga super typhoon na may bilis na hangin na hindi bababa sa 300 kilometro bawat oras at seismic activity na hindi bababa sa 8.0 magnitude.

Ipinag-uutos din ng panukalang batas ang paglalagay ng mga pasilidad tulad ng sleeping quarters, paliguan at palikuran, kitchen at food preparation, maging dining areas, health care station, women and child-friendly spaces, standby power para sa ilaw at operasyon ng mga medikal at communication equipments at iba pa upang matiyak ang makataong kondisyon ng pamumuhay para sa mga evacuees.

“Bukod sa pagsisiguro sa pagiging ligtas ng mga evacuation centers sa panahon ng kalamidad, dilubyo o public health crises, dapat din na matiyak na disente ang pasilidad ng mga ito,” ani Estrada.

Sinasabing nasa 62 porsiyento lamang ng local government units (LGUs) ang may evacuation centers na may minimum na pasilidad at maging ang pinakaaktibong mga center ay limitado ang mga pasilidad, dahilan para hind maging kaaya-aya ang pamamalagi sa mga nangangailangan ng pansamantalang matutuluyan.

Ang isa pang mahalagang aspeto ng batas ay ang pagbibigay prayoridad sa pagtatatag ng Ligtas Pinoy Centers sa mga LGUs na walang ganitong pasilidad, pangangailangan dahil madalas itong nakakaranas ng kalamidad o panganib at ang kahandaan nito sa pagtatayo ng center.

“Ang pamantayan sa pagbibigay ng prayoridad ay para maiwasan ang pagkakadoble at pag-aaksaya ng ating limitadong pondo. Kailangan po natin ng isang maayos na sistema na siyang tutukoy kung anong bayan ang siyang pinaka-nangangailangan at dapat unahing mabigyan ng suporta sa pagkakaroon ng sarili nilang evacuation centers,” paliwanag ni Estrada.

Ang mga LGU ang magiging responsable sa pagpapanatili, pagpapatakbo at pamamahala ng mga center at maaari rin itong maglagay ng mga alituntunun sa paggamit ng mga ito bilang mga civic center o multi-purpose na gusali kapag hindi ginagamit na evacuation center, aniya.

Ang panukalang batas ay kabilang sa mga isinusulong sa ilalim ng Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028 at binanggit ni Pangulong Marcos Jr. sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA).

Leave a comment