American sex offender hinarang sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Isa na namang American sex convict ang naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na nagtangkang pumasok sa Pilipinas.

Sa ulat kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kinilala ng border control and enforcement unit (BCIU) ang pasahero na si Terry Lynn Spies, 60-anyos, na naharang noong nakalipas na Nobyembre 3 nang dumating sakay ng isang Eva Air flight mula Taiwan.

Nauna rito, nagpalabas ng alert order si Tansingco na nag-uutos sa mga BI officers sa mga paliparan na pigilan ang pagpasok ni Spies at agad itong i-book sa unang available na flight sa kanyang pinanggalingan.

Ayon kay BCIU deputy chief for operations Joseph Cueto, si Spies ay pinabalik sa Estados Unidos noong Nobyembre 4, sakay ng Eva Air flight in Taipei enroute sa US.

Nabatid na si Spies ay isa sa 140 dayuhan na hinarang ng BI na makapasok sa bansa ngayong taon dahil sa nahatulan ang mga ito sa kasong may kinalaman sa sex crimes.

Base sa impormasyon mula sa Department of Homeland Security (DHS), at ng Interpol’s national central bureau (NCB) sa Manila, si Spies ay pinatawan ng Texas court ng parusa noong Nobyembre 2012 kaugnay ng online solicitation ng isang 14-anyos na dalalagita.

Muling binalaan ni Tansingco ang mga foreign sex convict na iwasang bumiyahe sa Pilipinas.

“As gatekeepers of the country we are duty-bound as immigration officers to prevent the entry of aliens whose presence here poses a serious risk to our women and children,” sabi ng BI chief.

Leave a comment