Pangulong Duterte suportado ko– Senador Imee Marcos

Ni NOEL ABUEL

Nanindigan si Senador Imee Marcos na hindi nito tatalikuran si dating Pangulong Rodrigo Duterte na tulad ng kanyang namayapang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., na matapat sa bayan.

Sa panayam kay Senador Marcos dito sa Senado, sinabi nitong kahit ito na lamang ang nag-iisang matira, ay maninindigan ito para sa dating Pangulong Duterte.

Aniya pa, noon pang 2015 na ito pa ang gobernador ng Ilocos Norte, ay kaisa-isa itong gobernador na nagdeklara ng suporta para kay Duterte.

Inihalimbawa pa nito ang sikreto ng mga Marcos kung bakit sa mahabang panahon ay may marami pa ring loyalist na handa makipaglaban sa kanilang pamilya.

“Ano raw ba ang sikreto ng mga Marcos at bakit sa loob ng mahabang panahon may mga loyalistang handang makipaglaban para sa amin? May loyalista kami dahil loyalista kami. Ako, gaya ng aking ama, ay matapat at naninindigan para sa mga tunay na kaibigan, sa hirap at sa mas mahirap, sa mabibilang na ligaya at sangkatutak na dusa,” sabi nito.

Sinabi pa ng senador na ito ang iniwang legasiya ng kanyang ama na dadalhin nito kahit saan ito mapunta.

“Ang makatotohanang pagkakaisa, pagkakaisang hindi bula lamang ng bibig, pagkakaisang nangangahulugan ng pagiging isa. Sapagkat kung ang isang Marcos ay loyalista sa paninindigan at pakikipagkaibigan, pinakaloyalista kami sa kapakanan ng bayan,” aniya.

“Kahit tayo ay isang pulu-pulong bansa, hindi tayo umiiral na parang mga isla. Dapat nagtatagpo ang dulo sa dulo, mata sa mata. Solid north, solid south, Solid Pinas,” dagdag nito.

Hindi umano ito tatahimik sa mga pagtataksil at pambabastos sa mga taong gumalang sa kanyang ama at noong pinahintulan ni Duterte na mahimlay sa libingan.

“Ang isang anak na humarap sa napakaraming pananaksak sa likod ay hindi kailanman tatahamik sa mga pagtataksil at pambabastos sa taong gumalang sa aking ama, noong pahintulutan niyang mahimlay ito sa libingang para sa kanya,” aniya.

“Hindi lang dahil kaibigan ko si PRRD, KAIBIGAN KO TALAGA SIYA, higit lalo si Inday Sara, mga kaibigan ko sa pagpapaunlad ng bayan, pagpapanatili ng kapayapaan at pakikipaglaban kontra sa pwersa ng kasamaang nagpapalaganap ng katiwalian, gutom at katrayduran,” dagdag pa nito.

Leave a comment