
Ni NERIO AGUAS
Nakabalik na sa bansa ang isang Pinay makaraang matagumpay na nasagip sa isang sex trafficking syndicate sa bansang Malaysia.
Ang 20-anyos na biktima, na sadyang itinago ang pagkakakilanlan, ay dumating sa Ninoy Aquino International Airport Terminal I sakay ng Malaysia Airlines noong Nobyembre 8.
Nabatid na ang biktima ay na-recruit ng nakilala nito sa internet at nangakong bibigyan ng trabaho bilang house helper sa Malaysia.
“This incident sheds light on the pervasive issue of recruitment and exploitation of vulnerable individuals online. The victim was made to believe that lucrative opportunities were waiting for her abroad,” sabi ni BI Commissioner Norman Tansingco.
Sa record, nagawang makalabas ng bansa ng biktima mula sa Palawan kung saan sa pamamagitan ng escort ay nagawa nitong illegal na makasakay ng barko patungo sa Kota Kinabalu.
Sa pahayag ng biktima, tumigil ang mga ito sa isang isla sakop ng Philippine territory kung saan sinundo ito ng isang babae na na-recruit din umano ng sindikato.
Pagdating anila sa Kota Kinabalu, bumiyahe pa ang mga ito sa bulubunduking lugar hanggang sa makarating sa isang hotel sa Sibu, Malaysia at dito napilitang magtrabaho bilang sex workers.
“She was held captive. Disturbingly, she was subjected to appalling conditions, including being denied food if she failed to satisfy the demands of her captors. She was even forced to undergo abortion when they discovered she was with child,” sabi ni Tansingco.
Inilipat din uman ito sa iba pang hotel sa Bintulu, Malaysia hanggang sa maaresto nang magsagawa ng operasyon ang Malaysian authorities sa nasabing hotel.
Nagawang makahingi ng tulong ng biktima sa Philippine Embassy sa Malaysia sa pamamagitan ng tulong ng Malaysian police hanggang sa mapauwi ito sa tulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
