6 Filipino pilgrims naharang sa NAIA

Ni NERIO AGUAS

Hindi nakalusot sa mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang anim na Pinoy na nagkunwang mga pilgrims subalit nabunyag na illegal na magtatrabaho sa bansang Jordan.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang mga nasabing mga Filipino ay napigilang makalusot sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 makaraang mapatunayang hindi totoo na magtutungo ang mga ito sa Holy Land.

Una nito, nasabat ng mga tauhan ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES) ang mga Pinoy bago pa makasakay ng Philippine Airlines flight patungo sa Amman, Jordan.

“They all claimed to be traveling on together for a pilgrimage but they were unaware of their travel itinerary. They are also not known to each other,” sabi ni Tansingco.

Nabatid na ang dalawa sa mga pasahero ay dati nang naharang sa pagsakay sa kanilang flight noong Setyembre matapos ng maraming inconsistencies sa kanilang mga pahayag at dokumentasyon.

“Our I-PROBES found that the two passengers were supposed to join a group of 14 ‘pilgrims’ who left the country last Sept. 27. Ten of them never returned and are now presumably working abroad,” ayon pa kay Tansingco.

Nang maglaon ay nakumpirma na ang grupo ay maglalakbay sa Jordan upang maghanap ng trabaho.

Inamin ng mga ito na isang pastor ang nagsaayos ng kanilang biyahe at nagbayad ng P75,000 hanggang P150,000 bawat isa.

Ang nasabing pastor ang taong itinuro ng mga “pilgrim” na umalis noong Setyembre bilang isa na nag-ayos ng kanilang sinasabing pilgrimage.

Sinabi ni Tansingco na ang kaso ay na sa inter-agency council against trafficking (IACAT) at nakatakdang ipagpatuloy ng National Bureau of Investigation (NBI), bilang bahagi ng IACAT, ang imbestigasyon laban sa nasabing modus.

Matatandaang noong 2011, 6 na Lebanon-bound Filipinas ang na-intercept ng BI matapos magpanggap na mga madre.

Sinabihan umano ang mga ito ng kanilang recruiter na magbihis na parang mga madre para makaiwas sa pagtatanong.

Inamin ng mga ito na aalis para magtrabaho bilang mga household service worker sa Lebanon.

Leave a comment