3 Pinay nasagip sa sex trafficking

2 recruiters nasabat din!

Ni NERIO AGUAS

Nasagip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang tatlong Pinay sa kamay ng pinaghihinalaang sex trafficking syndicate nang tangkaing lumabas ng bansa.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, kasama rin sa dinakip ang dalawang pinaniniwalaang recruiters sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 bago pa makasakay ng Cebu Pacific Air flight patungong Taipei.

Sinabi ni Tansingco na ang limang pasahero ay isinailalim sa karagdagang screening matapos magbigay ng magkakaibang sagot sa mga tanong ng mga opisyal ng BI at dahil sa kabiguan na ipaliwanag ang layunin at itineraryo ng kanilang paglalakbay kung kaya’t pinigilang makaalis ng bansa.

“We commend our immigration officers for successfully foiling this attempt to traffic these women who were lured to make a living as sex workers,” ayon sa BI chief.

Base sa ulat na ipinadala ng immigration protection and border enforcement section (I-PROBES), sinabi ni Tansingco na nagkunwang mga freelance models ang limang indibiduwal at magtutungo umano sa Taipei para sumasailalim sa basic training course sa Chinese language.

Gayunpaman, sa kalaunan ay inamin ng mga ito na sila ay na-recruit ng isang tao sa Facebook na nag-alok sa kanila ng mga trabaho bilang short-time sex workers para sa mga dayuhang customer sa Taiwan.

Ang dalawa nilang kasamang babae ay kinilala ng mga awtoridad na nag-ayos ng kanilang biyahe at nagproseso ng kanilang mga dokumento.

Sinabihan umano ang mga ito na ang kanilang kita ay depende sa kung gaano karaming oras ang kanilang gugulin sa kanilang mga customer at ang kanilang mga uri ng aktibidad na kanilang gagawin sa kanila.

Ikinuwento rin ng mga biktima na bago ang kanilang biyahe ay dinala ang mga ito sa loob ng isang silid sa Malate, Maynila kung saan sapilitang pinaghubad upang umano’y masuri ang kanilang mga katawan.

Ang limang indibiduwal ay dinala sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa kaukulang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso laban sa kanilang recruiters.

Leave a comment