
Ni NERIO AGUAS
Makakaasa na ng dalawang bayan sa lalawigan ng Aurora na masosolusyunan na ang mga pagbaha kasunod ng dalawang road projects at dalawang flood control structures na natapos ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa kanyang mga ulat kay DPWH Secretary Manuel M. Bonoan, tinukoy ni DPWH Regional Office 3 Director Roseller A. Tolentino ang mga bayan ng Dipaculao at Maria Aurora bilang mga recipient town ng P19.6-million road improvement works at P58.8-million slope protection constructions sa bahagi ng Ilog Pacugao.
Sa bayan ng Dipaculao, natapos ang pagsemento sa isang lokal na kalsada sa Barangay Bayabas na sumasaklaw sa 1.7 kilometro na may mga box culvert, lined canal, at stone masonry upang mapalakas ang access, kaligtasan, at mga oportunidad sa ekonomiya sa pamamagitan ng pagpapahusay sa industriya ng turismo ng komunidad.
Ang isa pang natapos na proyekto sa kalsada ay ang pagkongkreto ng 680-lineal-meter na bahagi ng isang lokal na kalsada sa Barangay Wenceslao, Maria Aurora na makakatulong sa mga magsasaka sa paghakot ng kanilang mga pananim na pang-agrikultura tulad ng palay at niyog.
Samantala, ang mga buhay at ari-arian sa mga komunidad ng Maria Aurora ay mas protektado na laban sa pagbaha sa pagkumpleto ng 270.71-lineal-meter at 264.76-lineal-meter concrete slope protection structures sa bahagi ng Pacugao River sa Barangay Bayanihan at Barangay Kadayacan.
Ang parehong mga istrukturang proteksiyon sa baha ay umaakma sa mga kasalukuyang pader laban sa baha sa kahabaan ng lugar at itinayo sa steel sheet pile foundation na may probisyon ng isang reinforced concrete box culvert para sa proteksyon ng kongkretong slope sa Barangay Kadayacan upang mapataas ang kapasidad ng Pacugao River at mabawasan ang paulit-ulit na pagbaha.
Pinangasiwaan ng DPWH Aurora District Engineering Office (DEO) ang pagpapatupad ng mga proyektong pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA) ng 2023 fiscal year.
