
Ni NOEL ABUEL
Inihain sa Kamara ang paglikha ng Dangerous Drugs Court sa lahat ng lungsod at lalawigan na naglalayong pabilisin ang disposisyon ng hindi bababa sa 300,000 kaso ng droga na nakabinbing resolusyon sa iba’t ibang korte sa buong bansa.
Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, sa pinakahuling datos na ibinigay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), mayroong 405,062 kaso ng droga ang inihain sa korte mula taong 2000 hanggang 2022, at kabilang dito ang mga inihain ng PDEA, Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).
“Out of this figure, only 28 percent or 114,610 cases have been resolved or have been handed decision by the judiciary. This means there are about 300,000 drug cases or approximately 72 percent have remained pending in courts as we speak,” sabi ng kongresista.
Paliwanag pa ni Barbers na ang pagkaantala sa pagresolba ng mga kaso ng droga ay malinaw na nagpapahiwatig na ang siksikan na mga hukuman sa paglilitis sa bansa ay hindi makaagapay sa naturang problema at, kung hindi maayos na matugunan, ay hahantong lamang sa mas maraming maiipon sa mga docket ng korte, na nakakapinsala sa mabagal na bilis ng sistema ng hustisya sa bansa.
Nakasaad sa House Bill No. 9446 o “An Act Promoting the Speedy Disposition of Drug Cases by Creating a Special Court to be Known as “Dangerous Drugs Court” in Every City and Province Nationwide”, sinabi ng solon mula sa Mindanao na ang kawalan ng mga drug court ay nagdudulot din ng pagkaantala sa pagpapalabas ng mga utos ng hukuman at iba pang proseso kaugnay ng pagkasira ng mga nasamsam o nakumpiskang droga.
Ang katotohanang ito ay nalaman ng mga mambabatas sa pagdinig ng panel ng Dangerous Drugs noong Marso ng taong ito nang mabunyag na nasa kustodiya pa rin ng PDEA at PNP ng kabuuang “un-destructed” na 8,662 kilo ng shabu at 4,233 kilo ng marijuana.
Nang tanungin kung bakit nasa kanila pa rin ang napakalaking dami ng nasamsam na ilegal na droga, ikinatuwiran ng PDEA at PNP na ang agarang pagsira nito, ayon sa mandato sa ilalim ng RA 9165 o Dangerous Drugs Act of 2202, ay hindi magagawa dahil sa kahirapan sa pagkuha ng mga utos ng hukuman upang maisakatuparan ito.
“This has opened windows of opportunity for rogues in uniform, popularly known as “ninja cops,” to operate by recycling illegal drugs for the purpose of planting evidence, or worse, selling it back on the streets,” sabi ni Barbers.
“Sa paglikha ng “Dangerous Drug Courts” sa lahat ng lungsod at probinsya sa ating bansa, inaasahan natin na made-decongest na at mapapabilis ang pagresolba sa mga libu-libong drug cases na nakabinbin ngayon sa iba’t ibang korte sa buong bansa. At mapuputol na rin dito ang illegal na gawain ng mga “ninja cops” dahil agaran nang susunugin o sisirain ang lahat ng mga nakukumpiskang ipinagbabawal na gamot,” paliwanag pa ng mambabatas.
