
Ni NOEL ABUEL
Kinondena ni Senador Christopher “Bong” Go ang panibagong pangha-harass ng Chinese Coast Guard at gumamit ng water cannon sa isang bangka ng Pilipinas na naghatid ng mga supply sa mga sundalong Pilipino na nakatalaga sa sa Ayungin Shoal noong nakalipas na Biyernes, Nobyembre 10.
“As vice chairman of the Committee on National Defense, hindi lang po nakakabahala kundi atin po itong kinokondena,” ayon kay Go.
“This brazen behavior in our territorial waters is not only a blatant disregard of international maritime laws but also a direct challenge to the sovereign rights of our nation,” dagdag nito.
Sinabi ng National Task Force-West Philippine Sea (NTF-WPS) na ang Chinese Coast Guard and Maritime Militia ay hinarangan at nang-harass sa Philippine resupply ships na patungo sa Ayungin Shoal para sa BRP Sierra Madre outpost ng sundalo.
Dito ay gumamit ng mga mapanganib na taktika, kabilang ang paggamit ng water cannon ang CCG sa M/L Kalayaan supply vessel at panggigipit sa iba pang bangka gamit ang rigid-hulled inflatable boat.
Sa kabila nito ay natapos ng mga sasakyang pandagat ng Pilipinas ang kanilang misyon.
Ang Embahada ng Pilipinas sa Beijing at ang Department of Foreign Affairs (DFA) ay nagprotesta sa Chinese Foreign Ministry, na hinihiling ang pag-alis ng mga sasakyang pandagat ng China sa Ayungin Shoal, na bahagi ng Exclusive Economic Zone ng Pilipinas.
Kinuwestiyon ni Go ang pahayag ni Chinese Coast Guard spokesperson Gan Yu na hindi pagkakapare-pareho na binabanggit ang rule of law.
“How can they speak of the rule of law while simultaneously violating international norms and the sovereign rights of other nations by putting Filipinos’ lives at risk with their bullying tactics,” sabi ni Go.
Dati na ring kinondena ni Go ang agresibong aksyon ng isang Chinese Coast Guard vessel sa West Philippine Sea, kasunod ng pagkakabangga nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP)-contracted resupply boat, ang Unaiza May 2, noong Oktubre 22.
Binatikos din nito ang mga katulad na agresibong kilos ng mga Intsik sa rehiyon, lalo na nang gumamit ng water cannon ang isang Chinese coast guard vessel laban sa isang bangkang Pilipino na nagsisikap na maghatid ng mga suplay sa BRP Sierra Madre, at isa pang kinasasangkutan ng paggamit ng isang military-grade laser laban sa isang barko ng Philippine Coast Guard.
Upang higit na mapabuti ang maritime capabilities ng bansa, inihain ni Go ang Senate Bill No. 2112, o ang Philippine Coast Guard (PCG) Modernization Bill.
Ang iminungkahing panukalang batas ay naglalayong i-upgrade ang mga assets and resources ng PCG, upang bigyang-daan ang serbisyo na maisagawa ang mga tungkulin at responsibilidad nito nang mas epektibo.
Ang pangunahing layunin nito ay i-upgrade ang mga sasakyang pandagat, sasakyang panghimpapawid, at kagamitan ng PCG upang matugunan ang mga international standards.
“Bilang inyong senador, nag-file din po ako para sa modernization ng ating Coast Guard, karagdagang kagamitan, mga modernong kagamitan po para naman po ma-reinforce natin ang ating Philippine Coast Guard,” sabi ni Go.
“Our Coast Guard serves as the frontline defense against threats like smuggling and terrorism. Malaki at importante po ang kanilang trabaho. Additionally, they provide invaluable assistance during natural disasters and emergencies,” ayon pa dito.
