Bagong Bgy. at SK officials hinamong tumulong sa pagbabakuna sa kabataan

Rep. Ray Reyes

Ni NOEL ABUEL

Hinamon ng isang kongresista ang mga bagong halal na barangay at Sangguniang Kabataan officials na tumulong sa pagbibigay ng bakuna sa mga kabataan laban sa mga sakit.

“Ang hamon natin sa ating mga bagong halal na barangay at SK officials ay umaksyon para muli nating mapataas ang bilang ng mga bakunadong bata sa ating mga komunidad,” sabi ni AnaKalusugan party list Rep. Ray T. Reyes.

Una nito, iniulat ng Department of Health (DOH) na ang saklaw ng bakuna sa mga bata ay patuloy na bumababa mula noong 2020 hanggang 2022.

Sinabi ng DOH na mula sa 69.08 percent noong 2019, bumaba ang bilang ng fully-immunized children (FIC) sa 65.18 percent noong 2020, at 62.86 percent noong 2021.

Mas naging matindi rin ang pagbaba noong 2022, ayon sa DOH, kung saan 53.60 porsiyento lamang ng mga batang may edad na zero hanggang 12 buwan ang ganap na nabakunahan.

Ang FIC ay isang sanggol na nakatanggap ng isang doses ng bacille Calmette-Guerin (BCG), tatlong doses ng oral poliovirus vaccines (OPV), tatlong doses ng diphtheria-Haemophilus influenzae-hepatitis B (DPT-HIB-HepB) na bakuna, at dalawang doses ng bakunang meningococcal sa 12 buwan.

Hinimok ni Reyes ang mga local government unit (LGUs) na palakasin ang kanilang mga pagsisikap sa pagbabakuna upang maprotektahan ang mga bata mula sa mga sakit na maaaring magpapahina sa kanila o maging sanhi ng kamatayan.

Maliban sa pagbabakuna para sa mga sanggol, itinulak din ni Reyes ang mga lokal na pinuno na tumulong din sa pagpapabakuna ng mas maraming batang babae na nasa grade 4 at pataas laban sa human papilloma virus (HPV).

“Malaki ang maitutulong ng ating barangay at SK officials sa pagkumbinsi sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak,” ayon sa kongresista.

“Mabisang pangontra sa iba’t ibang sakit ang mga bakuna, kaya’t sana patuloy ang pagsagawa ng mga house-to-house at iba pang information dissemination at persuasion strategies para mahikayat ang mga magulang na bigyan ng proteksyon ang kanilang mga anak,” dagdag nito.

Sinabi pa ni Reyes na dahil sa paggalang na ibinibigay sa mga lokal na opisyal ng kanilang mga nasasakupan, dapat nitong sikaping paalalahanan at palakasin ang kaalaman ng kanilang mga komunidad tungkol sa kahalagahan ng pagbabakuna.

“Bigyan-diin natin na mailalayo sa banta ng sakit ang mga bata kung mabakunahan sila. Maiiwasan ang pagkalumpo dahil sa polio, at para naman sa mga batang babae, malaki ang tulong ng HPV vaccine kontra sa cervical cancer na second-most common cancer sa mga kababaihan,” sabi pa nito.

Leave a comment