
Ni RHERZ NATHANIELL
Matapos ang mahigit sa 6-taong pagkakakulong ay pansamantalang makakalaya na si dating Senador Leila de Lima matapos payagang makapaglagak ng piyansa.
Nabatid na pinayagan ni Judge Gener Gito ng Muntinlupa City Regional Trial Court (RTC) Branch 206 ang mosyon na inihain ng kampo ni De Lima.
Pinayagan ng korte na maglagak ng P300,000 piyansa si De Lima gayundin ang kapwa nito akusado na si dating Bureau of Corrections director Franklin Bucayu, dating aide ng senador na si Ronnie Dayan at si Joenel Sanchez, at umano’y bagman na si Jose Adrian Dera.
“The totality of the evidence presented by the prosecution, the Court is of the firm view and holds that accused De Lima, Bucayu, Dayan, Sanchez and Dera should be allowed to post bail as the prosecution was not able to discharge its burden of establishing that the guilt of the said accused is strong,” ayon sa inilabas na desisyon ng Muntinlupa court.
Magugunitang si De Lima ay nakulong simula 2017 sa loob ng Camp Crame kaugnay ng kinakaharap nitong drug allegations na makailang beses na nitong itinanggi ang akusasyon.
Una nang ibinasura ang isa sa tatlong kaso nito noong Pebrero 2021 ng Muntinlupa City RTC Branch 205.
At noong Mayo 12, ibinasura rin ng Muntinlupa RTC Branch 204 ang kaso laban kina De Lima, Dayan at iba pang kapwa akusado.
