Pagdami ng nag-i-inhibit na huwes pinuna ni Senador Koko Pimentel

Ni NOEL ABUEL

Umapela sa Korte Suprema si Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III na imbestigahan ang dumaraming kaso ng mga huwes na nag-i-inhibit sa hawak ng mga itong kaso.

Sa plenary deliberations ng 2024 budget ng The Judiciary, ipinarating ni Pimentel ang panawagan sa Supreme Court sa pamamagitan ni Senador Sonny Angara, ang sponsor ng P57.79 bilyon ng SC at lower court.

Inihalimbawa pa ni Pimentel ang kaso ni dating Senador Leila de Lima na mahigit anim na taon nang nakapiit sa kulungan dahil sa sunud-sunod na pag-inhibit ng mga huwes na dumidinig sa kaso nitong may kinalaman sa illegal na droga.

“Can’t the SC be stricter in addressing this ‘inhibition phenomenon’?” tanong ni Pimentel.

Sinabi naman ni Angara, na inamin ng SC ang tinukoy ni Pimentel kung saan sa kasalukuyan ay inaatasan na ang mga korte na magbigay ng datos kung ilang huwes na ang nag-i-inhibit.

Samantala, inusisa rin ni Pimentel sa SC ang desisyon nito na umabuso ang Senado sa tungkulin nito nang patawan ng contempt at arestuhin si Pharmally executives Lincoln Ong at ang negosyanteng si Michael Yao Hung Ming hinggil sa COVID-19 medical supplies.

Ayon kay Angara, pinaalalahanan ng SC ang Senado hinggil sa pang-aabuso sa paggamit ng contempt laban sa kanilang mga resource persons na dapat ay nasusunod ang mga patakaran.

Dagdag pa ng SC, dapat ay nasusunod ang due process at nabibigyan ng tamang oras na magsalita at mangatwiran ang sinumang resource persons bago patawan ng contempt kung hindi makukumbinse ang mga senador sa pahayag ng mga ito.

Leave a comment