
Ni NOEL ABUEL
Kinilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang natatanging pamumuno at dedikasyon ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at ang kanyang kontribusyon sa pag-unlad ng bansa.
Sa kanyang video birthday greetings na ipinalabas sa sesyon ng plenaryo, sinabi ni Pangulong Marcos na hindi matatawaran ang serbisyong ibinibigay at pamumuno ni Romualdez para sa pag-unlad at pagkakaisa ng bansa.
“Thank you for all the good work that you have done in leading the House of Representatives and a very important one that the House of Representatives under your leadership has played in our effort of nation-building,” ani Pangulong Marcos na ang tinutukoy ay ang mataas na antas ng kakayanan ni Romualdez para magkaroon ng kooperasyon at pagkakaisa ang kanyang mga kasama na nagresulta sa pag-abot ng layunin na mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino.
Sinabi ni Pangulong Marcos na malaki ang ginampanang papel ni Romualdez sa paghubog ng mga polisiya at panukalang batas na nagkaroon ng positibong epekto sa sambayanang Pilipino.
“Let’s hope to keep that working relationship strong and vibrant. I look forward to the years to come where we can do even more good work together,” saad ng Pangulo na nagpasalamat sa pagsusumikap at pagsasakripisyo ni Romualdez para sa bansa.
“It is our turn to provide you with the treats on your birthday. Happy birthday Martin,” dagdag pa ng Pangulo.
Si Speaker Romualdez ay nagdiriwang ng kanyang ika-60 kaaawan ngayong araw ng Martes, Nobyembre 14.
Batay sa resulta ng survey ng Octa Research na isinagawa mula Setyembre 30 hanggang Oktubre 4, nakakuha si Romualdez ng trust rating na 60%. Ito ay mas mataas ng 22% sa 38% na nakuha nito noong 2022.
Mas mataas din ito sa 54% na nakuha ni Speaker Romualdez sa survey noong Hulyo 2023.
Sa kaparehong survey, nakakuha si Speaker Romualdez ng 61% tumaas mula sa 44% na nakuha nito noong 2022.
Mas mataas din ito sa 55% na nakuha ni Speaker Romualdez sa survey noong Hulyo 2023.
Sa 17 panukala na binanggit ni Pangulong Marcos sa kanyang State of the Nation Address (SONA), isa ang naisabatas na, isa ang naratipika na ng bicameral conference committee, at walo ang naaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa.
Sa 57 panukala na tinukoy na prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), walo ang naging batas. Kasama dito ang SIM Registration Act, pagpapaliban ng Barangay/SK Elections noong 2022; at Agrarian Reform Debts Condonation.
Dalawa naman ang naratipika na. Ito ang Ease of Paying Taxes at pag-amyenda sa Build-Operate-Transfer (BOT)/Public-Private Partnership (PPP) Code.
Natapos na ang Kamara ang 15 prayoridad ng LEDAC gaya ng Virology Institute of the Philippines, Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act (PIFITA) (Package 4), at National Disease Prevention Management Authority.
Noong Setyembre ay natapos na ng Kamara ang lahat ng 20 panukala na prayoridad na matapos ng LEDAC bago matapos ang taon.
