Pinay nasabat sa NAIA gamit ang pekeng pre-departure certificate

Ni NERIO AGUAS

Nasabat ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang isang babae na nagtangkang umalis ng bansa gamit ang pekeng pre-departure certificate.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, ang nasabing babae na itinago ang tunay na pagkakakilanlan, ay patungo sana sa Malta noong Nobyembre 11.

Nabatid na nang dumaan sa secondary inspection ang biktima ay nakita na ang hawak nitong Overseas Employment Certificate (OEC) ay peke para magtrabaho sa Malta.

Ang OEC ay isang dokumento na ipinag-uutos ng gobyerno ng Pilipinas para sa mga overseas Filipino worker (OFW) dahil tinitiyak nito ang kanilang wastong dokumentasyon at proteksyon habang nagtatrabaho sa ibang bansa.

Nalaman na ang pasahero ay maglalakbay sa Malta upang magtrabaho bilang isang live-in caregiver, at may hawak na mga dokumento, kabilang ang isang sertipiko ng Commission on Filipinos Overseas-Guidance and Counseling Program (CFO-GCP) na ibinigay ng kanyang Maltese employer.

Ang CFO-GCP ay kinakailangang pre-departure seminar na ibinibigay sa mga first-time Filipino migrants na Filipino spouses, fiancé(e)s, at karelasyong foreign nationals na nais mag-migrate overseas.

Sinabi ni Tansingco na kalaunan ay umamin ang pasahero na nanggaling ang kanyang mga dokumento mula sa isang nakilala lamang nito sa internet, kabilang ang pekeng CFO-GCP certificate.

Inamin din nito na hindi ito personal na nag-apply para sa CFO-GCP at hindi ito dumaan sa mandatory counseling session.

“Filipinos whose sole purpose of travel is to work overseas, are required to secure OECs from the Department of Migrant Workers (DMW),” paliwanag ng BI chief.

Leave a comment