
Ni NOEL ABUEL
Umapela ang isang senador sa Department of Budget and Management (DBM) at Department of Health (DOH) na ibigay na sa lalong madaling panahon ang health emergency allowances ng mga healthcare workers.
Muling iginiit ni Senador Christopher “Bong” Go, chairperson ng Senate Committee on Health, sa DBM at DOH na bilisan ang pagpapalabas ng Health Emergency Allowances (HEA) dahil marami pa rin ang umaasang mga healthcare workers na nagsilbi sa panahon ng COVID-19 pandemic na maibibigay pa rin ito.
“For the nth time, umaapela ako sa DOH, DBM to fast track the release of the unpaid Health Emergency Allowances due our nurses and other healthcare workers who served during the COVID-19 pandemic,” giit pa ni Go.
Tinukoy ng senador ang mga sakripisyo ng mga healthcare workers na itinaya ang kanilang buhay araw-araw para pangalagaan ang bansa.
Ipinunto ni Go ang pagkakaiba ng allowances sa laki ng kanilang mga sakripisyo ng mga ito
“Sila po ‘yung hero sa panahon ng pandemya. Hindi natin mararating ito kung hindi dahil sa kanila. Karamihan po sa kanila nagkasakit, ‘yung iba po namatay,” sabi pa ni Go.
Binigyan-diin ng senador ang pagpasa sa Republic Act 11712, na nagtatakda ng patuloy na benepisyo at allowances ng mga healthcare workers sa panahon ng public health emergency.
Sa kabila ng pag-alis ng state of public health emergency noong Hulyo, maraming healthcare workers aniya ang hindi pa nakakatanggap ng kanilang HEA.
“Kaya patuloy ko ipapaalala sa kanila kung magkikita kami nang personal ng mga secretaries ng DBM at DOH, ipapaalala ko sa kanila na dapat ibigay nila ito,” ayon pa dito.
Sa usapin ng budget allocations, sinabi ni Go na ang DBM ay naglabas ng P23.6 bilyon mula sa budget ngayong taon, kung saan ang P19.6 bilyon ay mula sa programmed appropriations at karagdagang P4 bilyon mula sa unprogrammed funds.
Gayunpaman, kulang pa rin ang halagang ito sa kabuuang kinakailangan.
Iniulat ng DOH na mahigit P62 bilyong halaga ng HEA ang nananatiling hindi nababayaran, na may mga atraso mula 2021 hanggang 2023.
Kamakailan ay humingi ang DOH ng karagdagang P25.9 bilyon mula sa DBM upang masakop ang mga natitirang bayad sa HEA.
“Pero mayroon pa rin mga health workers natin na hindi pa nababayaran ang kanilang HEA, ito ‘yung health emergency allowance. Kaya dapat obligasyon ito ng gobyerno na dapat bayaran ng DOH at ng DBM,” paliwanag ni Go.
