
NI NERIO AGUAS
Aabot sa kabuuang 150,484 minimum wage earners sa Cordillera Administrative Region (CAR), Bicol Region at Eastern Visayas ang inaasahang direktang makikinabang sa pagtaas ng sahod matapos pagtibayin ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang wage order na isinumite ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPBs).
Humigit-kumulang 521,604 na full-time wage at salary workers na kumikita ng higit sa minimum wage ay maaari ring direktang makinabang bilang resulta ng upward adjustments sa enterprise level na nagmumula sa wage distortion corrections.
Naglabas din ang tatlong RTWPBs wage orders para sa mga kasambahay na nasa 162,970 domestic workers kung saan 21 porsiyento o 34,111 ay nasa on live-in arrangements.
Sa kasalukuyan, 12 RTWPBS ang naglabas ng kani-kanilang wage orders kabilang ang anim na nagsagawa ng motu proprio.
Nabatid na sa Bicol region, sa pamamagitan ng Wage order no. RBV-21 noong Oktubre 23, mabibigyan ng P30 dagdag sahod sa lahat ng minimum wage workers sa mga pribadong establisimiyento.
Ang lahat ng sektor at industriya, mula sa P365 ay magiging P395.
Naglabas din ng Wage Order no. RBV-DW-03 na nagkakaloob ng buwanang dagdag sahod na P1,000 para sa mga kasambahay na ngayon ay magiging P5,000.
Habang sa Eastern Visayas, ang bagong minimum wage rate ay magiging P405 para sa mga non-agriculture sector at retail o service establishment na mayroong 11 pataas na empleyado.
Samantala ang mga manggagawa sa cottage at handicraft industry, agriculture sector at retail o service establishments mayroong 10 pababa na manggagawa ay makakatanggap ng P375.
Pagkakalooban din ng buwanang dagdag na P500 ang sahod ng mga domestic workers sa rehiyon na magiging P5,500 sa chartered cities at P5,000 naman sa iba pang munisipalidad sa rehiyon.
At sa bahagi ng CAR, mabibigyan ng P30 na dagdag sa sahod kung kaya’t magiging P430 na ang matatanggap sa pribadong sektor sa rehiyon anuman ang posisyon.
Habang sa kasambahay sa CAR ay magiging P4,900 na ang bagong minimum wage.
Ang bagong wage orders ay ilalathala sa Nobyembre 19, 2023 at magiging epektibo makalipas ang 15-araw o sa Disyembre 5, 2023.
