CHR sinita ni Sen. Cayetano sa paninindigan sa abortion

Ni NOEL ABUEL

Ipinagpaliban ng Senado ang pagtalakay sa budget ng Commission on Human Rights (CHR) matapos itaas ni Senador Alan Peter Cayetano ang isyu ng abortion at ang hindi malinaw na paninindigan ng executive director ng CHR hinggil dito.

Sa kanyang interpellation sa Senate plenary debate para sa 2024 budget ng CHR, ipinahayag ni Cayetano ang kanyang pagkadismaya sa naunang pahayag ni CHR Executive Director Atty. Jacqueline Ann de Guia na nagtutulak ng decriminalization ng abortion.

Sinabi ni Cayetano na kung ang pahayag ni De Guia ay kumakatawan sa opisyal na posisyon ng komisyon, tinugon ni Senador Jinggoy Estrada, na siyang sponsor ng budget ng CHR sa Senado, na ang pahayag ay galing sa 5th commission ng CHR sa ilalim ng yumaong Chairperson na si Chito Gascon.

Sinabi rin ni Estrada na ang kasalukuyang komisyon, na nasa ilalim ni Chairperson Richard Paat Palpal-latoc, ay hindi pa naglalabas ng kanilang posisyon sa usaping ito.

Sinabi ni Cayetano na delikado ang pahayag ni De Guia at dapat maging maingat ang CHR dahil kinakatawan nito ang Pilipinas lalo na sa pagbibigay ng sensitibong posisyon sa mga isyu tulad ng abortion.

Ganito rin aniya ang patakaran sa ibang ahensiya na kumakatawan sa bansa.

“Can ambassadors give a different position from the position of their State? If I am an ambassador [and] I am called by the US president, am I duty bound to give my position or the position of my government and my State?” pag-uusisa ni Cayetano.

Binanggit ni Cayetano sa CHR na bagama’t maaaring ipahayag ng mga empleyado nito ang kanilang personal na opinyon, ang abortion ay hindi isa sa mga isyu na kanilang dapat itaguyod.

“I do not mind opinions, it is their right, especially on contemporary human rights issues. But as far as abortion is concerned, it is settled in our Philippine Constitution,” dagdag ni Cayetano na binanggit ang Article 2 Section 12 ng 1987 Constitution.

“The State recognizes the sanctity of family life and shall protect and strengthen the family as a basic autonomous social institution. It shall equally protect the life of the mother and the life of the unborn from conception,” dagdag pa nito.

Bilang sagot naman kay Cayetano, sinabi ni De Guia na ang kanyang pahayag ay nagtutulak lamang para sa decriminalization ng abortion lalo na kung ang buhay ng ina ay nanganganib.

Ngunit sinagot ito ng senador at sinabing ito ay “weak excuse.”

“‘Pag dine-criminalize mo, para mong sinabi na pwede na ‘yun. How can you protect the unborn if you’re not going to put any penalty to people who abort the fetus o baby? Jaywalking nga lang mayroon tayong penalty, eh,” giit ng senador.

Hiningi ni Cayetano sa mga opisyal ng CHR ang isang malinaw na sagot tungkol sa kanilang posisyon sa Philippine Constitution at kung naniniwala silang kailangan nilang protektahan ang buhay ng parehong ina at sanggol na hindi pa isinisilang.

Leave a comment